Sinabi ni Festo kay Agripa ang mga Paratang Laban kay Pablo

Nagbigay si Festo kay Agripa ng isang kakaibang salaysay tungkol sa mga paratang laban kay Pablo.

A.D. 60

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Mga Gawa 25:13–22

13 Ngayon pagkalipas ng ilang mga araw, dumating sa Cesarea si Haring Agripa at Bernice upang magbigay ng opisyal na pagdalaw kay Festo. 14 Pagkatapos ng maraming araw na naroon siya, inilahad ni Festo ang kaso ni Pablo sa hari; sinabi niya, “May isang tao na naiwan dito ni Felix na bilanggo. 15 Nang ako ay nasa Jerusalem, ang mga pinunong pari at mga nakatatanda sa mga Judio ay nag harap sa akin ng mga bintang laban sa taong ito, at humihingi sila ng kahatulan laban sa kaniya. 16 Sinagot ko sila ng ganito na hindi kaugalian ng mga Romano na ibigay ang isang tao bilang pabor; kundi, may pagkakataon ang naparatangang tao na harapin niya ang mga nagparatang sa kaniya at ipagtanggol ang kaniyang sarili sa mga ibinintang sa kaniya.

17 Kung gayun, hindi ako naghintay, nang dumating silang sama-sama rito, ngunit ng kinabukasan ay naupo ako sa upuan ng paghatol at iniutos ko na dalin sa loob ang taong ito. 18 Nang tumayo ang mga nagparatang at pinaratangan siya, inisip ko na walang mabigat sa mga bintang na hinarap nila sa taong ito. 19 Sa halip, maroon silang ilan na di pagkakaunawaan tungkol sa kanilang sariling relihiyon at tungkol sa isang Jesus na namatay, na siyang pinatutunayan ni Pablo na buhay.

20 Nalilito ako kung papaano ko sisiyasatin ang bagay na ito, at tinanung ko siya kung gusto niya na pumunta sa Jerusalem upang husgahan doon tungkol sa mga bagay na ito. 21 Ngunit nang ipinatawag si Pablo upang siya ay bantayan hanggang sa makapag-desisyon ang Emperador, Iniutos ko na bantayan siya hanggang maipadala ko siya kay Cesar.”

22 Sinabi ni Agripa kay Festo, “Nais ko rin na makinig sa taong ito.” “Bukas,” sinabi ni Festo, “Maririnig mo siya.”

Ipinagtanggol ni Pablo ang Sarili sa Harap nina Festo at Agripa

Ipinagtanggol ni Pablo ang kaniyang usapin sa harap nina Festo at Agripa, at ang kanilang ginawa nang marinig ito.

Mga Gawa 25:23–26:32

23 Kaya kinabukasan, dumating sina Agripa at Bernice na may maraming seremonya; dumating sila sa loob ng bulwagan kasama ang mga pinunong kawal at kasama ang mga kinikilalang tao sa lungsod. At nang sabihin ni Festo ang utos, dinala si Pablo sa kanila.

24 Sinabi ni Festo, “Haring Agripa, at sa lahat ng mga tao na narito na kasama namin, nakikita ninyo ang taong ito; ang lahat ng mga Judio ay nakipag-usap sa akin sa Jerusalem at sa lugar ding ito, at sumigaw sila sa akin na hindi na siya kinakailangang mabuhay. 25 Napag-alaman ko na wala siyang ginawa na karapdapat sa kamatayan; ngunit dahil tumawag siya sa Emperador, nagpasya ako na dalin siya sa kaniya.

26 Ngunit wala akong tiyak na maisusulat sa Emperador. Sa dahilang ito, dinala ko siya sa inyo, lalo na sa iyo, Haring Agripa, upang may maisulat ako tungkol sa kasong ito. 27 Sapagkat parang hindi katanggap tanggap sa akin na ipadala ang isang bilanggo na hindi rin maipahayag ang mga bintang laban sa kaniya.”

26:1 Kaya sinabi ni Agripa kay Pablo, “Maaari kang magsalita para sa iyong sarili.” Pagkatapos iniunat ni Pablo ang kaniyang kamay at nagsalita. 2 “Masaya ako, Haring Agripa, na gagawin ko ang pagtatanggol ng aking kaso sa harapan mo sa araw na ito laban sa lahat ng paratang ng mga Judio; 3 lalo na, sapagkat dalubhasa ka sa lahat ng mga nakaugalian at mga katanungan ng mga Judio. Kaya't hinihingi ko ang katiyagaan mong makinig sa akin.

4 nga, nalalaman nang lahat ng mga Judio kung papaano ako namuhay sa aking kabataaan sa aking sariling bansa at sa Jerusalem. 5 Kilala nila ako mula sa simula at kinakailangan nilang tanggapin na namuhay ako bilang isang Pariseo, isang napakahigpit na sekta ng aming relihiyon.

6 Ngayon nakatayo ako rito upang hatulan dahil umaasa ako sa pangako na ginawa ng Diyos sa aming mga ninuno. 7 Sapagkat ito ang pangako na inaasahang ng aming labing dalawang tribo na tanggapin habang matiyaga silang sumasamba sa Diyos gabi at araw. Dahil sa pag-asang ito, Haring Agripa, kaya pinaratangan ako ng mga Judio. 8 Bakit iniisip ng iba sa inyo na hindi kapani-paniwala na buhayin ng Diyos ang mga patay?

9 Sa isang pagkakataon naisip ko sa aking sarili na kinakailangan kong gumawa ng maraming bagay laban sa pangalan ni Jesus na taga Nazaret. 10 Ginawa ko ang mga ito sa Jerusalem; Ikinulong ko ang maraming mga mananampalataya sa bilangguan, at may kapangyarihan ako mula sa mga punong pari na gawin ito; at nang ipapatay sila, ibinigay ko rin ang aking boto laban sa kanila. 11 Madalas ko silang pinarurusahan sa lahat ng mga sinagoga at sinubukan ko silang magsalita ng masama laban sa Diyos. Galit na galit ako sa kanila at hinabol ko sila kahit sa mga lungsod sa ibang bansa.

12 Habang ginagawa ko ito, pumunta ako sa Damasco na may kapangyarihan at pahintulot ng mga punong pari; 13 at sa daan patungo roon, sa katanghalian tapat, Hari, Nakakita ako ng liwanag mula sa langit na higit na mas maliwanag kaysa sa araw at nagliwanag palibot sa akin at sa mga kalalakihan na naglalakbay na kasama ko. 14 Nang bumagsak kaming lahat sa lupa, nakarinig ako ng tinig na nagsasalita sa akin na nag sabi sa wikang Hebreo, 'Saulo, Saulo, bakit mo ako inuusig? Mahirap para sayo na sumipa sa matulis na tungkod.'

15 Pagkatapos sinabi ko, 'Sino ka, Panginoon?' Sumagot ang Panginoon, 'Ako si Jesus na iyong inuusig. 16 Ngayon bumangon ka at tumayo sa iyong mga paa; dahil sa layuning ito'y nagpakita ako saiyo, upang italaga ka bilang lingkod at saksi tungkol sa mga bagay na alam mo tungkol sa akin ngayon at sa mga bagay na ipapakita ko pagkatapos nito; 17 at ililigtas kita mula sa mga tao at mula sa mga Gentil kung saan kita isusugo, 18 upang buksan ang kanilang mga mata at upang ibalik sila mula sa kadiliman patungo sa kaliwanagan at mula sa kapangyarihan ni Satanas patungo sa Diyos, upang tanggapin nila mula sa Diyos ang pagpapatawad ng mga kasalanan at ang pamana na ibibigay ko sa kanila na aking itinalaga para sa aking sarili sa pamamagitan ng pananampalataya nila sa akin.'

19 Samakatuwid, Haring Agripa, hindi ko sinuway ang pangitain mula sa langit; 20 ngunit, una sa mga nasa Damasco at pagkatapos ay sa Jerusalem at sa lahat ng dako ng bansa ng Judea, at pati na rin sa mga Gentil, nangaral ako upang sila ay magsisi at bumalik sa Diyos, gumagawa ng mga bagay na karapatdapat sa pagsisisi. 21 Sa kadahilanang ito hinuli ako ng mga Judio sa loob ng templo at sinubukan akong patayin.

22 Tinulungan ako ng Diyos hanggang ngayon, kaya't tumayo ako at nagpatotoo sa mga pangkaraniwang tao at sa mga dakila na hindi hihigit sa kung ano ang sinabi ng mga propeta at ni Moises kung ano ang mangyayari; 23 na ang Cristo ay dapat magdusa, at siya ang unang ibabangon mula sa mga patay at magpapahayag ng kaliwanagan sa mga Judio at mga Gentil.”

24 Nang matapos ni Pablo ang kaniyang pagtatanggol, sinabi ni Festo sa malakas na tinig, “Pablo, nababaliw ka; ang napakaraming natutunan mo ang nagpapabaliw sayo.”

25 Ngunit sinabi ni Pablo, “Hindi ako nababaliw, kagalanggalang na Festo; ngunit nilakasan ko ang aking loob na magpahayag ng mga salita ng katotohanan at kahinahunan. 26 Sapagkat nalalaman ng hari ang mga bagay na ito; at kaya't, malaya akong nakapagsasalita sa kaniya, sapagkat ako'y nahikayat na wala sa mga bagay na ito ang maitatago sa kaniya; sapakat hindi ito ginawa sa isang sulok. 27 Naniniwala kaba sa mga propeta, Haring Agripa? Alam ko na naniniwala ka.”

28 Sinabi ni Agripa kay Pablo, “Sa maikling panahon ay hinihikayat mo ako na maging Kristiyano?”

29 Sinabi ni Pablo, Ipinanalangin ko sa Diyos na kahit sa maikli o mahabang panahon, hindi lang ikaw, kundi sa lahat ng nakikinig sa akin ngayon, ay maging katulad ko, ngunit maliban sa mga kadenang ito.”

30 Pagkatapos tumayo ang hari at ang gobernador, at si Bernice din at ang mga naka-upong kasama nila; 31 nang umalis sila ng bulwagan, nag-usap-usap ang bawat isa at nagsabing, “Ang taong ito ay walang ginawa na ano man na karapatdapat sa kamatayan o pagkabilanggo.”

32 Sinabi ni Agripa kay Festo, “Ang taong ito ay maaaring napalaya na kung hindi sana siya umapila kay Cesar.”

Ibinigay si Pablo sa Pangangalaga ng Isang Senturyon

Ibinigay si Pablo sa pangangalaga ng senturyon bilang isang bilanggo, kaya hindi niya natapos ang paglalakbay na ito sa pagbabalik sa Antioquia, gaya ng dati niyang ginagawa.

Mga Gawa 27:1

1 Nang mapagpasyahan na maglayag kami papunta sa Italia, ibinigay nila si Pablo at iba pang mga bilanggo sa isang senturion na nagngangalang Julio, na nasa hukbo ni Augusto.