Ang Huling Propesiya ni Ezekiel Laban sa Egipto
Ang huling hula laban sa Egipto.
572 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
17 At nangyari na noong ika-dalawampu at pitong taon sa unang araw ng unang buwan, nagsalita sa akin si Yahweh at sinabi, 18 “Anak ng tao, inihanda na ni Nebucadnezar na hari ng Babilonia ang kaniyang mga kawal upang gawin ang mabigat na gawain laban sa Tiro. Bawat ulo ay naahit at bawat balikat ay nalapnos ngunit kahit kailan wala silang bayad mula sa Tiro para sa kaniya at sa kaniyang hukbo sa mabigat na trabaho na ginawa nila laban sa Tiro.
19 Kaya ito ang sinabi ng Panginoong Yahweh, 'Masdan! Ibibigay ko ang lupain ng Egipto kay Nebucadnezar na hari ng Babilonia at hahakutin nila ang mga kayamanan nila at lilimasin ang mga ari-arian at dadalhin lahat ang kaniyang matagpuan doon; at iyan ang maging sahod ng kaniyang mga kawal! 20 Ibinigay ko sa kaniya ang lupain ng Egipto para sa mga sahod sa ginawa nilang trabaho para sa akin - ito ang ipinahayag ng Panginoong Yahweh.
21 Sa araw na iyon ay palilitawin ko ang isang sungay para sa sambahayan ni Israel, at pagsasalitain ko kayo sa gitna nila, upang malaman nila na ako si Yahweh!”'
30:1 Ang salita ni Yahweh ay dumating sa akin at sinabi, 2 “Anak ng tao, magpropesiya ka at sabihin, 'ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Managhoy, “Aba sa darating na araw!” 3 Ang araw ay malapit na! Malapit na ang araw para kay Yahweh! Magiging maulap ang araw na ito, isang panahon ng katapusan para sa mga bansa! 4 At isang espada ang darating laban sa Egipto at magkakaroon ng pagdadalamhati sa Cush kapag babagsak sa Egipto ang mga taong pinatay—kapag kinuha nila ang kaniyang kayamanan at kapag gumuho ang kaniyang mga pundasyon! 5 Ang Cush, Libya at Lidya at ang lahat ng mga dayuhan kasama ang mga taong kabilang sa kasunduan—babagsak silang lahat sa pamamagitan ng espada! 6 Sinasabi ito ni Yahweh: Kaya ang sinumang tutulong sa Egipto ay babagsak, at ang kapalaluan ng kaniyang lakas ay manghihina. Mula sa Migdal patungo sa Sevene ang kanilang mga kawal ay babagsak sa pamamagitan ng espada! —ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh! 7 Manlulumo sila sa gitna ng nilayasang mga lupain, at ang kanilang mga lungsod ay magiging kabilang ng lahat ng mga nasirang lungsod! 8 At malalaman nilang ako si Yahweh, kapag susunugin ko ang Egipto, at kapag nawasak ang lahat ng kaniyang mga katulong! 9 Sa araw na iyon magsisilabasan ang mga mensahero mula sa harapan ko sa mga barko upang kilabutan ang matiwasay na Cush, at magkakaroon ng pagdadalamhati sa kanila sa araw ng pagwakas ng Egipto. Sapagkat masdan! Ito ay paparating! 10 Sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Wawakasan ko ang karamihan sa Egipto sa pamamagitan ng kamay ni Nebucadnezar, ang hari ng Babilonia. 11 Siya at ang kaniyang hukbong kasama niya, ang kinatatakutan ng mga bansa ay dadalhin upang sirain ang lupain; ilalabas nila ang kanilang mga espada laban sa Egipto at pupunuin ang lupain ng mga patay na tao! 12 Gagawin kong tuyong lupa ang mga ilog, at ibebenta ko ang lupain sa kamay ng mga masasamang tao. Pababayaan ko ang lupain at ang kabuuan nito sa pamamagitan ng kamay ng mga banyaga! Ako, si Yahweh, ang nagpapahayag nito! 13 Sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Sisirain ko ang mga diyus-diyosan at wawakasan ko ang mga walang silbing diyus-diyosan ng Memfis. Wala ng magiging prinsipe sa lupain ng Egipto at maglalagay ako ng katatakutan sa lupain ng Egipto! 14 Pagkatapos, pababayaan ko ang Patros at susunugin ko ng apoy ang Zoan, at magsasagawa ako ng mga kahatulan sa Tebez. 15 Sapagkat ibubuhos ko ang aking matinding galit sa Pelesium, ang tanggulan ng Egipto, at papatayin ang karamihan ng Tebez. 16 Pagkatapos, susunugin ko ng apoy ang Egipto. Magiging labis ang kahirapan ng Pelesium at ang Tebez ay mawawasak. Araw-araw ay magkakaroon ng mga kaaway ang Memfis! 17 Ang mga binata sa Heliopolis at Bubastis ay babagsak sa pamamagitan ng espada at ang kanilang mga lungsod ay mabibihag. 18 Sa Tafnes, hindi magliliwanag ang araw na iyon kapag sisirain ko ang pamatok ng Egipto roon at ang kapalaluan ng kaniyang lakas ay magwawakas. Magkakaroon ng ulap na kukubkob sa kaniya at ang kaniyang mga anak na babae ay dadaan sa pagkakabihag. 19 Magsasagawa ako ng paghuhukom sa Egipto, at malalaman nila na ako si Yahweh.”'