Nagpropesiya si Ezekiel Laban kay Paraon at sa Egipto
Isang propesiya laban sa Egipto.
589 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
1 Sa ika-sampung taon, sa ika-siyam na buwan at ika-labing dalawang araw ng buwan, nagsalita sa akin si Yahweh at sinabi, 2 “Anak ng tao, ihanda mo ang iyong sarili laban sa Paraon, ang hari ng Egipto; magpahayag ka laban sa kaniya at laban sa lahat ng taga Egipto! 3 Ipahayag mo at sabihin, 'Ang Panginoong Yahweh ang nagsabi nito: Masdan! Laban ako sa iyo, Paraon, hari ng Egipto! Ikaw, ang dambuhalang nilalang sa dagat na nakahiga sa ilalim ng ilog, na nagsasabi sa akin, “Pinagawa ko ang ilog para sa sarili ko!” 4 Dahil maglalagay ako ng pangawil sa iyong panga at ang mga isda ng iyong Nilo ay kakapit sa iyong mga kaliskis; iaangat kita paitaas mula sa gitna ng iyong ilog kasama ang lahat ng isda sa ilog na kumapit sa iyong kaliskis. 5 Itatapon kita pababa sa ilang, ikaw at ang lahat ng isda mula sa iyong ilog. Malalaglag ka sa ibabaw ng parang, hindi ka pupulutin ni itataas. Ibibigay kita bilang pagkain ng mga nabubuhay na mga bagay sa mundong ito at mga ibon sa mga kalawakan! 6 At malalaman ng lahat ng mga naninirahan sa Egipto na ako si Yahweh, dahil sila ay naging tungkod na tambo sa sambahayan ng Israel! 7 Nang mahawakan ka nila sa kanilang kamay, nabali ka at nagkaputol-putol at tinusok mo ang kanilang balikat, at nang sumandal sila sa iyo, dinurug mo ang kanilang mga hita at pinanginig mo ang kanilang balakang.
8 Kaya ito ang sinasabi ni Yahweh: Masdan! Magdadala ako ng espada laban sa iyo; papatayin kong pareho mula sainyo ang tao at ang hayop. 9 Kaya magigiba at masisira ang lupain ng Egipto; at malalaman nila na ako si Yahweh, dahil sinabi ng dambuhala sa dagat, “Ang ilog ay akin, dahil ako ang gumawa nito!'' 10 Kaya, masdan! Laban ako sa iyo at laban sa iyong ilog, kaya gagawin kong ilang ang lupain ng Egipto at hindi mapakinabangan, kaya ikaw ay magiging lupain na walang pakinabang magmula sa Migdol hanggang Sevene at sa mga hangganan ng Kush. 11 Walang paa ng tao ang dadaan dito! Walang paa ng mga hayop ang dadaan dito! At hindi ito matitirahan ng apatnapung taon!
12 Dahil gagawin kong ilang sa gitna ng mga lupain ng Egipto na hindi natirahan at ang kaniyang mga lungsod sa gitna ng mga walang pakinabang na lungsod at magiging ilang ng apatnapung mga taon; pagkatapos ay ikakalat ko ang mga taga-Egipto sa mga bansa at paghihiwa-hiwalayin ko sila sa mga lupain.
13 Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Sa pagtatapos ng apatnapung taon, titipunin ko ang mga taga-Egipto mula sa mga tao kung saan sila ikinalat. 14 Ibabalik ko ang mga kabuhayan sa Egipto at ibabalik ko sila sa lupain ng Patros, sa lupain kung saan sila nagmula. Pagkatapos sila ay magiging isang mababang kaharian doon.
15 At ito ang magiging pinakamababa sa mga kaharian at hindi na siya kailanman makakahigit sa ibang mga bansa. At babawasan ko sila upang hindi sila muling mamumuno sa mga bansa. 16 At hindi na ang mga taga-Egipto ang idadahilan na sasandalan ng mga sambayanan ng Israel. Sa halip, ipaalaala nila sa mga sambayanan ni Israel ang kanilang nagawanng kasalanan noong sila ay nagpunta sa Egipto upang humingi ng tulong. Pagkatapos ay malalaman nila na Ako ang Panginoon Yahweh!””
Ezekiel: Babagsak ang Egipto Tulad ng Asiria 588 B.C.
Isang propesiya laban sa Egipto.
20 At nangyari nga sa ika-labingisang taon, sa unang buwan, sa ika-pitong araw ng buwan, na ang salita ni Yahweh ay dumating sa akin at sinabi, 21 “Anak ng tao, binali ko ang braso ng Paraon, ang hari ng Egipto. Masdan! Hindi ito nabendahan at hindi makatatanggap ng gamot; walang sinuman ang makakapaglagay ng benda nito, kaya wala itong magiging sapat na lakas upang humawak ng espada.
22 Samakatuwid sinasabi ito ng Panginoong Yahweh, 'Masdan ang Paraon, ang hari ng Egipto! Sapagkat babaliin ko ang kaniyang braso, ang malakas at ang bali na, at pababagsakin ko ang espada mula sa kaniyang kamay. 23 Pagkatapos ay ikakalat ko ang Egipto sa mga bansa at pagwawatak-watakin sila sa mga lupain.
24 Palalakasin ko ang mga braso ng hari ng Babilonia at ilalagay ko ang aking espada sa kaniyang kamay upang maaari kong masira ang mga braso ng Paraon. Maghihinagpis siya sa harapan ng hari ng Babilonia tulad ng paghihinagpis ng taong mamamatay na. 25 Sapagkat palalakasin ko ang mga braso ng hari ng Babilonia, habang bumabagsak ang mga braso ng Paraon. Pagkatapos, malalaman nila na ako si Yahweh, kapag inilagay ko ang aking espada sa kamay ng hari ng Babilonia; sapagkat kaniyang lulusubin ang lupain ng Egipto gamit ito. 26 Kaya ikakalat ko ang Egipto sa mga bansa at pagwatak-watakin sila sa mga lupain. At malalaman nila na ako si Yahweh!”'
31:1 At nangyari ito sa ikalabing isang taon sa unang araw ng ikatlong buwan na ang salita ni Yahweh ay dumating sa akin at sinabi, 2 “Anak ng tao, sabihin mo kay Faraon, ang hari ng Egipto, at sa kaniyang mga tagapaglingkod na nakapalibot sa kaniya, 'Sa iyong kadakilaan, sino ang katulad mo? 3 Masdan ninyo! Ang Asiria ay isang punong sedar sa Lebanon na may mga magagandang sanga, mayayabong na lilim, at napakataas! At ang dulo nito ay nasa itaas ng mga sanga. 4 Pinataas ito ng maraming tubig; pinalaki ito ng mga malalalim na tubig. Umaagos ang mga ilog sa lahat ng palibot nito kung saan ito nakatanim, sapagkat ang kanilang mga lagusan ay umaabot sa lahat ng mga punongkahoy sa parang. 5 Ang labis na taas nito ay higit sa kahit na anong punongkahoy sa parang, at naging napakarami ang mga sanga nito; humaba ang mga sanga nito dahil sa maraming tubig habang lumalaki ang mga ito. 6 Pinamugaran ng lahat ng ibon sa kalangitan ang mga sanga nito, habang ang lahat ng nabubuhay sa parang ay nagsisilang ng kanilang mga anak sa ilalim ng mga dahon nito. Nakatira ang lahat ng maraming bansa sa ilalim ng lilim nito. 7 Sapagkat ang kagandahan nito ay sa kalakihan at sa haba ng mga sanga nito, sapagkat ang mga ugat nito ay nasa maraming tubig! 8 Hindi ito kayang tumbasan ng mga punong sedar sa halamanan ng Diyos! Wala sa mga punong abeto ang makapapantay sa mga sanga nito, at walang anumang mga punongkahoy ang makatutumbas sa mga sanga nito. Walang punongkahoy sa halamanan ng Diyos ang makatutumbas sa ganda nito! 9 Pinaganda ko ito sa kaniyang maraming mga sanga; at kinaiingitan ito ng lahat ng mga punongkahoy sa Eden na nasa halamanan ng Diyos.
10 Kaya, ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Dahil sa napakataas nito, at dahil sa itinaas niya ang dulo ng kaniyang punongkahoy sa itaas ng mga sanga at itinaas niya ang kaniyang puso sa taas na iyon— 11 kaya ibinigay ko siya sa kamay ng mga pinaka-makapangyarihang pinuno ng mga bansa! Kumilos ang pinunong ito laban sa kaniya at pinalayas siya dahil sa kaniyang kasamaan!
12 Pinutol siya ng mga dayuhang kinatatakutan ng lahat ng mga bansa at pagkatapos ay iniwan siya. Ang mga sanga nito ay nagsihulog sa mga bundok at sa mga lambak, at nasira ang mga sanga nito sa lahat ng mga batis sa mundo. At lumabas ang lahat ng mga bansa sa mundo mula sa lilim nito at iniwan siya.
13 At nagpahinga sa mga puno nito ang lahat ng mga ibon sa mga kalangitan, at umupo sa mga sanga nito ang lahat ng mga mababangis na hayop sa parang. 14 Nangyari ito upang walang mga punongkahoy na sagana sa tubig ang lalago nang ganoong kataas, upang hindi nila itaas ang kanilang mga dulo sa itaas ng mga dahon, sapagkat wala ng iba pang punongkahoy na nakainom ng tubig ang muling lalago nang ganoong kataas. Sapagkat ipinasakamay silang lahat sa kamatayan hanggang sa pinakamababang bahagi ng mundo, sa gitna ng mga tao ng sangkatauhan na bumaba sa hukay.
15 Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Sa araw na bumaba siya sa sheol, nagdala ako ng pagtangis sa mundo. Tinakpan ko ang mga malalalim na tubig dahil sa kaniya, at pinigilan ko ang mga tubig sa karagatan. Ipinagkait ko ang mga malalawak na tubig at nagdala ako ng pagtangis sa Lebanon para sa kaniya! Kaya ang lahat ng mga punongkahoy sa parang ay tumangis sa kaniya. 16 Nagdala ako ng panginginig sa mga bansa sa ugong ng kaniyang pagbagsak, nang itinapon ko siya sa sheol kasama ng mga bumaba sa hukay! At napanatag ko ang lahat ng mga punongkahoy ng Eden sa mga pinakamababang bahagi ng mundo! Ito ang mga pinakapili at pinakamagandang punongkahoy ng Lebanon, ang mga puno na nagsiinom ng mga tubig! 17 Sapagkat bumaba din silang kasama niya sa sheol, silang mga pinatay sa pamamagitan ng mga espada! Ito ang mga malalakas niyang braso, ang mga bansa na nanirahan sa kaniyang lilim.
18 Alin sa mga punongkahoy sa Eden ang papantay sa iyong kaluwalhatian at kadakilaan? Sapagkat dadalhin ka pababa kasama ng mga punongkahoy ng Eden sa mga pinakamababang bahagi ng mundo kasama ng mga taong hindi tuli; mamumuhay ka kasama ng mga taong pinatay sa pamamagitan ng espada! Ito ay si Faraon at ang lahat ng kaniyang mga tagapaglingkod! —ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh!”'