Ezekiel: Bumababa ang Egipto sa Hukay

Isang propesiya laban sa Egipto.

587 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Ezekiel 32:17–32

17 At nangyari ito sa ikalabindalawang taon, sa ikalabinlimang araw ng buwan, na ang salita ni Yahweh ay dumating sa akin at sinabi, 18 “Anak ng tao, tumangis ka para sa mga tagapaglingkod ng Egipto at ihagis mo sila pababa, siya at ang mga anak na babae ng maharlikang mga bansa—sa pinakamababang bahagi ng lupa kasama ang mga bumaba na sa hukay! 19 Tanungin mo sila, 'Talaga bang mas maganda kayo kaysa sa sinuman? Bumaba kayo at humiga kasama ang mga hindi tuli!' 20 Babagsak sila sa gitna ng mga pinatay sa pamamagitan ng espada! Ibinigay ang Egipto sa espada; sasakupin siya ng kaniyang mga kaaway at ang kaniyang mga tagapaglingkod! 21 Ang pinakamalakas na mandirigma sa sheol ay magpapahayag tungkol sa Egipto at sa kaniyang mga kaanib, 'Bumababa na sila rito! Hihiga sila kasama ang mga hindi tuli na namatay sa pamamagitan ng espada!' 22 Naroon ang Asiria kasama ang lahat ng kaniyang kapulungan! Nakapalibot ang kanilang mga libingan sa kaniya; lahat sila ay pinatay sa pamamagitan ng espada. 23 Sa mga libingan na nakatalaga sa pinakamalalim na hukay ay nandoon, kasama ang lahat ng kaniyang kapulungan. Nakapalibot sa kaniyang libingan ang lahat ng pinatay, at bumagsak sa pamamagitan ng espada, Sa mga nagdala ng kakila-kilabot sa lupain ng mga buhay! 24 Naroon si Elam kasama ang lahat ng kaniyang mga tagapaglingkod! Nakapalibot sa kaniya ang kaniyang mga libingan; lahat sila ay pinatay! Sa mga bumagsak sa pamamagitan ng espada, sa mga hindi tuli na bumaba sa pinakamababang bahagi ng lupa, na siyang nagdala ng kanilang kakila-kilabot/matinding takot sa lupain ng buhay at ngayon ay dala-dala nila ang kanilang kahihiyan, sila ay pababa sa hukay!. 25 Naglatag sila ng isang nirolyong/binilot na higaan para kay Elam at lahat niyang mga lingkod sa gitna/kalagitnaan ng mga pinatay; Nakapalibot sa kaniya ang kaniyang mga libingan! Silang lahat ay mga hindi tuli, silang mga pinatay sa pamamagitan ng espada, sila na nagdala ng kanilang mga kakila-kilabot sa lupain ng mga buhay! Kaya dala-dala nila ang kanilang sariling kahihiyan na nasa kanila, kasama ang mga bumababa sa hukay sa gitna ng mga pinatay, iyong mga pababa sa hukay. Si Elam ay nasa gitna ng lahat ng mga pinatay. 26 Sina Mesech, Tubal at ang lahat ng kaniyang mga tagapaglingkod ay naroon! Ang kanilang mga libingan ay nakapalibot sa kanila! Lahat sila ay hindi tuli, na pinatay sa pamamagitan ng espada, dahil dinala nila ang kanilang mga kakila-kilabot sa lupain ng buhay. 27 Hindi ba sila hihiga kasama ng mga bumagsak na mandirigma na hindi tuli na bumaba sa sheol dala-dala ang lahat ng kanilang mga sandata sa pakikipagdigma, at ang kanilang mga espada na nakalagay sa ilalim ng kanilang mga ulo? Ang kanilang mga kalasag ay nakalagay sa ibabaw ng kanilang mga buto. Sapagkat sila ang mga mandirigmang kakila-kilabot sa lupain ng mga buhay! 28 Kaya ikaw, Egipto ay mawawasak sa gitna ng mga hindi tuli! At ikaw ay hihiga kasama ng mga pinatay sa pamamagitan ng espada! 29 Ang Edom ay naroon kasama ang kaniyang mga hari at lahat ng kaniyang mga pinuno. Makapangyarihan sila, ngunit nakahiga sila ngayon kasama ang mga pinatay sa pamamagitan ng espada, kasama ang hindi tuli, sila na bumaba na sa hukay. 30 Ang mga prinsipe ng hilaga ay naroon—silang lahat at lahat ng mga taga-Sidon na bumaba kasama ang mga patay! Makapangyarihan sila at nagagawang takutin ang iba, ngunit ngayon nakahiga sila roon na kahiyahiya, sa mga hindi tuli kasama ang mga pinatay sa pamamagitan ng espada. Dala-dala nila ang kanilang sariling kahihiyan, kasama ang mga iba pang bumababa sa hukay. 31 Makikita ng Faraon at mapapanatag tungkol sa lahat ng kaniyang mga tagapaglingkod na pinatay sa pamamagitan ng espada. Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh. 32 Pinahintulutan ko siyang gumawa ng kakila-kilabot sa lupain ng buhay, ngunit hihiga siya sa gitna ng mga hindi tuli, kasama ang mga pinatay sa pamamagitan ng espada. Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh!”

Isang Panawagan sa mga Bihag sa Babilonia

Ezekiel 33:1–20

1 dumating ang salita ni Yahweh sa akin at sinabi, 2 “Anak ng tao, ipahayag mo ito sa iyong mga tao; sabihin mo sa kanila, 'Kapag magdadala ako ng isang espada laban sa anumang lupain, at ang mga tao sa lupaing iyon ay kukuha ng isang lalaki mula sa kanila at gagawin siyang isang tagapagbantay para sa kanila. 3 Titingnan niya kung may paparating na espada sa lupain, at hihipan niya ang kaniyang trumpeta upang bigyan ng babala ang mga tao!

4 Kung marinig ito ng mga tao at hindi nila binigyang pansin, at kung dumating ang espada at pinatay silang lahat, at ang dugo ng bawat isa ay nasa sarili na nitong ulo. 5 Kung sinumang makarinig sa tunog ng trumpeta ngunit hindi niya binigyang pansin, ang kaniyang dugo ay nasa sa kaniya; ngunit kung binigyan niya ng pansin, maililigtas niya ang sariling buhay.

6 Gayunman, kung makita ng tagapagbantay na paparating ang espada, ngunit hindi niya hinipan ang trumpeta, ang kahihinatnan nito ay hindi nabigyang babala ang mga tao, at kung dumating ang espada at kukunin ang buhay ng sinuman, kung gayon, namatay ang taong iyon sa kaniyang sariling kasalanan, ngunit hahanapin ko ang kaniyang dugo mula sa tagapagbantay.'

7 Ngayon ikaw mismo, anak ng tao! Ginawa kitang isang tagapagbantay sa buong sambahayan ng Israel; mapapakinggan mo ang mga salita mula sa aking bibig at balaan mo sila sa halip na ako. 8 Kung sasabihin ko sa isang masamang tao, 'Masamang tao, ikaw ay tiyak na mamamatay!' ngunit kung hindi mo ito ipinahayag para bigyang babala ang masama tungkol sa kaniyang pamamaraan at siyang masama ay mamamatay sa kaniyang kasalanan, ngunit hahanapin ko ang kaniyang dugo mula sa iyong kamay! 9 Ngunit ikaw, kung binalaan mo ang masama tungkol sa kaniyang pamamaraan, para sa ganoon ay matalikuran niya ito, at kung hindi niya tatalikuran ang kaniyang pamamaraan, mamamatay siya sa kaniyang kasalanan, ngunit maliligtas mo ang iyong sariling buhay.

10 Kaya ikaw, anak ng tao, sabihin mo sa sambahayan ng Israel, 'Sinasabi ninyo ito: Ang aming pagsuway at ang aming mga kasalanan ay nasa amin, at nabubulok kami dahil dito! Paano kami mabubuhay?'

11 Sabihin mo sa kanila, 'Buhay ako—ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh—. Hindi ko ikinagagalak ang kamatayan ng masama, sapagkat kung pagsisisihan ng masama ang kaniyang pamamaraan, kung gayon mabubuhay siya! Magsisi kayo! Magsisi kayo mula sa mga masasama ninyong pamamaraan! Sapagkat bakit ninyo kailangang mamatay, sambahayan ng Israel?'

12 At ikaw, anak ng tao, sabihin mo sa iyong mga tao, 'Ang pagkamatuwid ng isang matuwid na tao ay hindi makapagliligtas sa kaniya kung magkakasala siya! At ang kasamaan ng masamang tao ay hindi magdudulot sa kaniya ng kamatayan kung pagsisisihan niya ang kaniyang kasalanan. Sapagkat ang taong matuwid ay hindi mabubuhay dahil sa kaniyang pagkamatuwid kung siya ay magkakasala.

13 Kung sasabihin ko sa matuwid na “Tiyak na mabubuhay siya!” at kung magtitiwala siya sa sarili niyang pagkamatuwid at pagkatapos makagawa siya ng hindi makatarungan, hindi ko na iisipin pa ang anumang kaniyang pagkamatuwid, mamamatay siya sa kasamaan na kaniyang nagawa.

14 At kung sasabihin ko sa masama, “siguradong mamamatay ka!” ngunit kung pagsisisihan niya ang kaniyang mga kasalanan at gagawin kung ano ang makatarungan at tama— 15 kung isasauli niya ang garantiya ng sangla na sapilitang hiningi niya, o kung isasauli niya kung ano ang kaniyang ninakaw, at lalakad sa mga alituntunin ng batas na nagbibigay buhay at hindi na kailanman gagawa ng anumang kasalanan, tiyak na mabubuhay siya at hindi mamamatay. 16 Wala na sa kaniyang mga nagawang kasalanan ang aking iisipin para sa kaniya. Kumilos siya ng makatarungan at makatuwiran, kaya siguradong mabubuhay siya!

17 Ngunit sinasabi ng iyong mga tao, “Hindi patas ang kaparaanan ng Panginoon!” ngunit ang inyong mga kaparaanan ang hindi patas! 18 Kapag tinalikuran ng isang matuwid na tao ang kaniyang pagkamatuwid at gagawa ng kasalanan, kung gayon mamamatay siya dahil dito! 19 At kapag ang masama ay tumalikod sa kaniyang mga kasamaan at gawin ang makatarungan at matuwid, mabubuhay siya dahil sa mga bagay na iyon!

20 Ngunit sinasabi ninyong mga tao, “Hindi patas ang kaparaanan ni Yahweh” Hahatulan ko ang bawat isa sa inyo ayon sa kaniyang kaparaanan, sambahayan ng Israel.