Sinasabi ni Elihu na ang Pagdurusa ay Mula sa Diyos (continued)

Si Elihu, na nanatiling tahimik hanggang ngayon, ay nakikibahagi sa pagtatalo. Ipinapakita niya na nagpapadala ang Diyos ng pagdurusa para sa matatalinong layunin, bagaman hindi natin matuklasan ang mga ito, at tungkulin ng tao na magpasakop.

2130 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Job 36–37

1 Nagpatuloy si Elihu at sinabi, 2 “Hayaan mong magsalita ako nang kaunti pa, at ipakikita ko sa iyo ang ilang mga bagay dahil may konti pa akong sasabihin para ipagtanggol ang Diyos. 3 Marami akong nakuhang karunungan mula sa malayo; kinilala ko ang katuwiran ng aking Manlilikha. 4 Sigurado, hindi kasinungalingan ang aking mga sasabihin; kasama mo ang isang taong matalino. 5 Tingnan mo, ang Diyos ay makapangyarihan, at hindi namumuhi kaninuman; siya ay makapangyarihan sa lawak ng kaunawaan. 6 Hindi niya pananatilihin ang buhay ng masasamang tao sa halip gagawin niya ang nararapat para sa mga nagdurusa. 7 Hindi niya inaalis ang kaniyang mga mata sa mga matutuwid na tao sa halip inihahanda sila sa mga trono gaya ng mga hari, at naitaas sila. 8 Gayunman kapag nakagapos sila sa kadena, at kung nahuli sila ng mga lubid ng paghihirap, 9 saka niya ipakikita sa kanila ang kanilang ginawa - ang kanilang mga kasalanan at kung paano sila kumilos nang may pagmamataas. 10 Binubuksan din niya ang kanilang mga tainga para sa kaniyang tagubilin, at inutusan niya sila na tumalikod mula sa kasalanan. 11 Kung makikinig sila sa kaniya at sasamba sa kaniya, ilalaan nila ang kanilang mga araw sa kasaganahan, ang kanilang mga taon sa kaligayahan. 12 Gayon pa man, kung hindi sila makikinig, mamamatay sila sa pamamagitan ng espada; mamamatay sila dahil wala silang alam. 13 Ang mga hindi maka-diyos ay nagkikimkim ng galit sa kanilang puso; hindi sila humihingi ng tulong kahit na tinatali na sila ng Diyos. 14 Mamamatay sila sa kanilang kabataan; magtatapos ang kanilang buhay kasama ang kababaihang sumasamba sa diyus-diyosan. 15 Inililigtas ng Diyos ang mga taong naghihirap sa pamamagitan ng kahirapan; binubuksan niya ang kanilang mga tainga sa pamamagitan ng pang-aapi sa kanila. 16 Tunay nga na gusto niyang tanggalin ka mula sa pagkabalisa tungo sa malawak na lugar kung saan walang paghihirap at kung saan nakahanda ang iyong hapag na puno ng pagkain na maraming taba. 17 Pero puno ka ng paghatol sa mamasamang tao; hatol at katarungan ang ginawad sa iyo. 18 Huwag mong hayaan na maakit ka ng kayamanan sa pandaraya; huwag mong hayaan na malihis ka mula sa katarungan dahil sa malaking suhol. 19 May pakinabang ba ang kayaman sa iyo, para hindi ka na mabalisa, o kaya ba ng buong lakas mo na tulungan ka? 20 Huwag mong naisin ang gabi, para gumawa ng kasalanan laban sa iba, kapag nawala na ang mga tao sa kanilang kinalalagyan. 21 Mag-ingat ka na hindi ka magkasala dahil sinusubukan ka sa pamamagitan ng pagdurusa kaya manatili kang malayo mula sa pagkakasala. 22 Tingnan mo, dakila ang kapangyarihan ng Diyos; sinong tagapagturo ang katulad niya? 23 Sino ang minsang nagturo tungkol sa kaniyang pamumuhay? Sino ang makapagsasabi sa kaniya, “Nakagawa ka ng kasamaan?' 24 Alalahanin mo na purihin ang kaniyang mga ginawa, na kinanta ng mga tao. 25 Tumingin ang lahat ng tao sa mga ginawa niya, pero nakita lang nila ang mga gawang ito mula sa malayo. 26 Tingnan mo, dakila ang Diyos, pero hindi namin siya lubos na maintindihan; hindi mabilang ang kaniyang mga taon. 27 Dahil kinukuha niya ang mga singaw mula sa mga patak ng tubig para gawing ulan, 28 na binubuhos ng mga ulap at bumabagsak nang masagana sa sangkatauhan. 29 Tunay nga, mayroon bang makauunawa ng paggalaw ng mga ulap at kidlat mula sa kaniyang tolda? 30 Tingnan mo, kinalat niya ang kaniyang kidlat sa paligid niya; binalot niya ng kadiliman ang dagat. 31 Sa pamamagitan nito, pinakain niya ang mga tao at binigyan sila ng masaganang pagkain. 32 Binalot niya ang kaniyang kamay ng kidlat hanggang sa inutusan sila na patayin ang kanilang mga target. 33 Ang kanilang ingay ay naghuhudyat sa mga tao na paparating na ang bagyo; alam din ng mga baka ang pagdating nito.

37:1 Tunay nga, kumakabog dito ang aking dibdib; naalis ito sa kaniyang kinalalagyan. 2 Pakinggan ang ingay ng kaniyang tinig, ang tunog na lumalabas mula sa kaniyang bibig. 3 Pinadadala niya ito sa buong himpapawid, pinadadala niya ang kaniyang kidlat sa lahat ng dako ng mundo. 4 Isang tinig ang dumadagundong pagkatapos nito; kumulog ang kaniyang maluwalhating tinig; hindi niya pinipigilan ang mga kidlat kapag narinig ang kaniyang tinig. 5 Kahanga-hangang kumukulog ang tinig ng Diyos; gumagawa siya ng mga kadakilaan na hindi natin maunawaan. 6 Sabi niya sa niyebe, “Mahulog ka sa lupa'; gaya sa ambon, 'Maging isang malakas na pagbuhos ng ulan.' 7 Pinatigil niya ang bawat kamay ng mga tao sa pagtatrabaho, para makita sa lahat ng tao na kaniyang nilalang ang kaniyang mga ginawa. 8 Pagkatapos, pumunta ang mga hayop sa kanilang taguan at nanatili sa kanilang mga lungga. 9 Sa timog nagmula ang bagyo at sa hilaga nagmula ang malamig na hangin. 10 Sa pamamagitan ng hininga ng Diyos ibinigay ang yelo; nanigas ang tubig gaya ng bakal. 11 Tunay nga, pinupuno niya ang makapal na ulap ng tubig; kinakalat niya ang kidlat mula sa mga ulap. 12 Pinaikot niya ang mga ulap sa pamamagitan ng kaniyang gabay, para magawa nila ang kahit anong inuutos niya mula sa ibabaw ng buong daigdig. 13 Ginawa niya ang lahat ng ito na mangyari; minsan nangyayari ito para sa pagtatama, minsan para sa lupain, at minsan bilang mga pagkilos sa katapatan sa tipan. 14 Makinig ka dito Job; huminto ka at isipin mo ang kamangha-manghang mga ginawa ng Diyos. 15 Alam mo ba kung papaano pinilit ng Diyos ang kaniyang kagustuhan sa mga ulap at pinakislap ang mga kidlat? 16 Naiintindihan mo ba ang paglutang ng mga ulap, ang kamangha-manghang mga ginawa ng Diyos, na siyang nakaaalam ng lahat? 17 Naiintindihan mo ba kung papaano ang iyong mga damit ay natuyo nang walang mainit na hangin na mula sa timog? 18 Kaya mo bang palawakin ang himpapawid gaya ng ginawa niya - ang himpapawid, na kasing tibay ng salaming bakal? 19 Turuan mo kami kung ano ang sasabihin namin sa kaniya, dahil hindi namin matanto ang aming mga katuwiran dahil sa kadiliman ng aming mga pag-iisip. 20 Dapat ko bang sabihin sa kaniya na nais kung makausap siya? Sinong tao ang nais malulon? 21 Ngayon, hindi makatingin ang mga tao sa araw kapag nagliliwanag ito sa himpapawid pagkatapos umihip ng hangin at nagliwanag ang mga ulap nito. 22 Mula sa hilaga ang ginintuang kaluwalhatian - dahil sa kagila-gilalas na kaningningan ng Diyos. 23 Tungkol sa Makapangyarihan, hindi namin siya makita; dakila ang kaniyang kapangyarihan at katuwiran. Hindi siya nang-aapi ng mga tao. 24 Kaya, kinatatakutan siya ng mga tao. Hindi niya pinapansin ang mga nag-iisip na matalino sila.”