Ang Pangangalunya ni David

1035 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

1 Mga Cronica 20:1

1 Nang sumapit ang tagsibol sa panahon na karaniwang nakikipagdigma ang mga hari. Pinangunahan ni Joab ang hukbo sa labanan at winasak nila ang lupain ng mga Ammonita. Pumunta siya at sinalakay ang Rabba, nanatili si David sa Jerusalem. Nilusob ni Joab ang Rabba at tinalo ito.

2 Samuel 11:1–12:15

1 Dumating ang panahon ng tagsibol, ng panahong iyon karaniwang pumupunta ang mga hari sa digmaan, ipinadala ni David si Joab at ang kaniyang mga lingkod, at ang buong hukbo ng Israel. Winasak nila ang hukbo ng Ammon at kinubkob ang Rabba. Pero si David ay nanatili sa Jerusalem.

2 Kaya isang gabi nang bumangon si David mula sa kaniyang higaan at naglakad-lakad sa bubong ng kaniyang palasyo. Mula roon nagkataong nakita niya ang isang babaeng naliligo, at sadyang napakagandang pagmasdan. 3 Kaya nagpatawag si David ng mga tao at tinanong kung sino ang nakakakilala sa babaeng iyon. May isang nagsabi, “Hindi ba ito si Batsheba, ang anak na babae ni Eliam, hindi ba asawa siya ni Urias na anak na Heteo?”

4 Nagpadala si David ng mga sugo at siya ay ipinakuha; nagtungo ang babae sa kaniya, at sinipingan siya ni David (kakatapos lamang niyang gawing dalisay ang kaniyang sarili mula sa pagreregla). Pagkatapos bumalik siya sa kaniyang bahay. 5 Nabuntis ang babae, at pinasabi niya kay David; sinabi niyang, “Buntis ako.”

6 Pagkatapos nagpadala ng liham si David kay Joab, na nagsasabing, “Ipadala si Urias na isang Heteo.” Kaya ipinadala ni Joab si Urias kay David.

7 Nang dumating si Urias, tinanong siya ni David kung kumusta si Joab, kamusta ang ginagawa ng mga hukbo, at kumusta ang nangyayaring digmaan. 8 Sinabi ni David kay Urias, “Umuwi ka sa iyong bahay, at hugasan mo ang iyong paa.” Kaya umalis si Urias sa palasyo ng hari, at nagpadala ng isang regalo ang hari para kay Urias matapos siyang umalis. 9 Pero natulog si Urias sa pintuan ng palasyo ng hari kasama ang lahat ng mga lingkod ng kaniyang amo, at hindi siya umuwi sa kaniyang bahay.

10 Nang sinabi nila kay David, “Hindi umuwi si Urias sa kaniyang bahay,” Sinabi ni David kay Urias, “Hindi ba galing ka sa paglalakbay? Bakit hindi ka umuwi sa iyong bahay?

11 Sumagot si Urias kay David, “Ang kaban, at ang Israel at Juda ay nananatili sa mga tolda, at nakakampo ang aking amo na si Joab at kaniyang mga lingkod sa isang hayag na bukid. Paano ako mamakapunta sa aking bahay para kumain at uminom at sumiping sa aking asawa? Titiyakin kong habang ikaw ay nabubuhay, hindi ko ito gagawin.”

12 Kaya sinabi ni David kay Urias, “Manatili ka rin ngayon dito, at bukas hahayaan kitang makaalis.” Kaya nanatili si Urias sa Jerusalem sa araw na iyon at sa sumunod na araw.

13 Nang pinatawag siya ni David, kumain siya at uminom kasama niya, at nilasing siya ni David. Kinagabihan lumabas si Urias para matulog sa kaniyang higaan kasama ang mga lingkod ng kaniyang amo; hindi siya umuwi sa kaniyang bahay.

14 Kaya kinabukasan sumulat si David ng isang liham kay Joab, at pinadala ito sa kamay ni Urias. 15 Sumulat si David ng liham na nagsasabing, “Ilagay si Urias sa pinaka harap ng matinding labanan, at pagkatapos pabayaan siya, para matamaan at mamatay.”

16 Kaya habang pinapanood ni Joab ang paglusob sa lungsod, itinalaga niya si Urias sa lugar na kung saan alam niyang malalakas ang mga sundalong kaaway na kaniyang masasagupa. 17 Nang lumabas ang mga kalalakihan sa lungsod at nakipaglaban sa hukbo ni Joab, napatumba ang ilan sa mga sundalo ni David, at namatay rin doon si Urias na isang Heteo.

18 Nang nagpadala ng liham si Joab kay David tungkol sa lahat ng bagay na nauukol sa digmaan, 19 inutusan niya ang sugo, sa pagsasabing, “Kapag matapos mong sabihin ang lahat ng mga bagay tungkol sa digmaan sa hari, 20 mangyayari na magalit ang hari, at sasabihin niya sa iyo, 'Bakit kayo lumapit nang husto sa lungsod para lumaban? Hindi ninyo ba alam na nagpapatama sila ng palaso mula sa pader? 21 Sino ang pumatay kay Abimelec anak na lalaki Jerubeset? Hindi ba isang babae ang naghagis ng isang gilingang pang-ibabaw sa kaniya mula sa pader, kaya namatay siya sa Tebez? Bakit kayo lumapit ng husto sa pader?' Kung gayon ang dapat mong isagot, 'Ang lingkod mong si Urias na isa Heteo ay patay na rin.'”

22 Kaya umalis ang ipinadalang mensahero at nagtungo kay David at sinabi sa kaniya ang lahat ng bagay na ipinasasabi ni Joab sa kaniya. 23 At sinabi ng mensahero kay David, “Higit na malakas ang mga kaaway kaysa sa amin sa simula pa lang; kami ay sinalakay nila sa bukid, pero napaatras namin sila sa pasukan ng tarangkahan. 24 At tinamaan ng kanilang mga tagapana ang inyong mga sundalo mula sa pader, at ilan sa mga lingkod ng hari ay napatay, at napatay rin ang iyong lingkod na si Urias na isang Heteo.”

25 Pagkatapos sinabi rin ni David sa mensahero, “Sabihin mo ito kay Joab, 'Huwag mo itong ikalungkot, dahil nasasakmal ng espada ang kahit sino. Gawin mong higit na mas malakas ang iyong pakikipagdigmaan laban sa lungsod, at pabagsakin ito.' At palakasin mo ang loob ni Joab.”

26 Kaya nang marinig ng asawa ni Urias na patay na ang kaniyang asawa, siya ay lubos na nanangis para sa kaniyang asawa. 27 Nang lumipas ang kaniyang kalungkutan, ipinakuha siya ni David at dinala siya sa kaniyang palasyo, at naging asawa niya ito at nagkaroon sila ng anak na lalaki. Pero ang ginawa ni David ay hindi kalugud-lugod kay Yahweh.

12:1 Pagkatapos ipinadala ni Yahweh si Natan kay David. Pumunta siya sa kaniya at sinabi, “May dalawang lalaki sa isang lungsod. Mayaman ang isang lalaki at mahirap ang isa. 2 Maraming bakahan at kawan ang mayamang lalaki, 3 pero ang mahirap na lalaki ay wala maliban sa isang maliit na babaeng tupa na binili niya at pinakain at pinalaki. Lumaki iyon kasama niya at kasama ng kaniyang mga anak. Kumakain ang tupa kasama niya at umiinom mula sa kaniyang sariling tasa at natutulog iyon sa kaniyang mga bisig at parang isang anak na babae sa kaniya.

4 Isang araw may isang panauhin ang dumating sa mayamang lalaki, pero ayaw ng mayamang lalaki na kumuha ng isang hayop mula sa kaniyang sariling bakahan at mga kawan para magbigay ng pagkain para sa kaniya. Sa halip kinuha niya ang babaeng tupa ng mahirap na lalaki at niluto ito para sa kaniyang panauhin.”

5 Nag-aapoy sa galit si David laban sa mayamang lalaki at nagalit siya ng labis kay Natan, “Habang si Yahweh ay nabubuhay, dapat patayin ang lalaking gumawa nito. 6 Dapat niyang bayaran ang tupa ng apat na beses dahil ginawa niya ang ganoong bagay at dahil wala siyang awa sa mahirap na lalaki.”

7 Pagkatapos sinabi ni Nathan kay David, “Ikaw ang lalaking iyon! Sinabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, 'Pinahiran kita ng langis para maging hari ng buong Israel at iniligtas kita mula sa kamay ni Saul. 8 Ibinigay ko sa iyo ang bahay ng iyong amo at ang mga asawa ng iyong amo sa iyong mga bisig. Ibinigay ko rin sa iyo ang bahay ng Israel at Juda. At kung kulang pa iyon, ibibigay ko pa sana sa iyo ang maraming bagay bilang karagdagan.

9 Kaya bakit mo inalipusta ang mga utos ni Yahweh, para gumawa ng masama sa kaniyang paningin? Pinatay mo si Urias ang Heteo sa pamamagitan ng espada at kinuha ang kaniyang asawa upang maging iyong sariling asawa. Pinatay mo siya sa pamamagitan ng espada ng hukbo ng Ammon. 10 Kaya ngayon hindi aalis ang espada sa iyong bahay, dahil inalipusta mo ako at kinuha ang asawa ni Urias ang Heteo bilang iyong asawa.'

11 Sinabi ni Yahweh, 'Tingnan, ibabangon ko ang kapahamakan laban sa iyo mula sa iyong sariling bahay. Sa harapan ng iyong mga mata, kukunin ko ang iyong mga asawa at ibibigay sila sa iyong kapwa at sisipingan niya ang iyong mga asawa sa maliwanag na araw. 12 Dahil palihim mong ginawa ang iyong kasalanan, pero gagawin ko ang bagay na ito sa harapan ng buong Israel, sa tanghaling-tapat.”'

13 Pagkatapos sinabi ni David kay Natan, “Nagkasala ako laban kay Yahweh.” Sumagot si Natan kay David, “Pinatawad na rin ni Yahweh ang iyong kasalanan. Hindi ka papatayin. 14 Gayunman, dahil sa gawaing ito inalipusta mo si Yahweh, tiyak na mamamatay ang batang isisilang sa iyo.”

15 Pagkatapos umalis si Natan at umuwi. Sinaktan ni Yahweh ang anak ng asawa ni Urias kay David at lubha siyang nagkasakit.

Mga Awit 51

1 Kaawaan mo ako, Diyos, dahil sa iyong katapatan sa tipan; alang-alang sa iyong mga maawaing gawa, burahin mo ang aking mga kasalanan. 2 Mula sa aking mabigat na pagkakasala ako ay hugasan mo nang lubusan at linisin ako mula sa aking kasalanan. 3 Dahil alam ko ang aking mga paglabag, at laging naaalala ang aking kasalanan. 4 Laban sa iyo, sa iyo lamang ako nagkasala at sa iyong paningin ginawa kung ano ang napakasama; matuwid ka kapag nagsasalita; tama ka kapag humahatol. 5 Masdan mo, ako ay isinilang sa malaking kasalanan; nang ipinagdadalang-tao ako ng aking ina, ako ay naroon na sa kasalanan. 6 Masdan mo, sa aking puso ang ninanais mo ay ang pagiging-mapagkakatiwalaan; sa aking puso ipaaalam mo ang karunungan. 7 Dalisayin mo ako ng isopo, at ako ay magiging malinis; hugasan mo ako at magiging mas maputi ako kaysa niyebe. 8 Iparinig mo sa akin ang kasiyahan at kagalakan para magsaya ang mga buto na iyong binali. 9 Itago mo ang iyong mukha sa aking mga kasalanan at pawiin ang lahat ng mga nagawa kong kasamaan. 10 Likhain mo sa akin ang isang malinis na puso, Diyos, at ipanumbalik sa akin ang isang matuwid na espiritu. 11 Sa iyong presensiya huwag mo akong paalisin, at huwag alisin ang iyong Banal na Espiritu mula sa akin. 12 Ibalik mo sa akin ang kagalakan ng iyong pagliligtas, at pagkalooban mo ako ng espiritung handang sumunod. 13 Pagkatapos ituturo ko sa mga lumalabag sa iyong mga utos ang iyong mga pamamaraan, at magbabalik-loob sa iyo ang mga makasalanan. 14 Patawarin mo ako dahil sa pagdadanak ng dugo, Diyos ng aking kaligtasan, at sisigaw ako nang buong kagalakan sa iyong katuwiran. 15 Panginoon, buksan mo ang aking mga labi, at ipahahayag ng aking bibig ang iyong kapurihan. 16 Pero hindi ka nagagalak sa alay, kundi ito ay aking ibibigay; sa mga sinunog na handog hindi ka nasisiyahan. 17 Ang mga alay na karapat-dapat sa Diyos ay isang basag na kalooban. Hindi mo hahamakin, O Diyos, ang isang basag at nagsisising puso. 18 Gawan mo ng mabuti ang Sion ayon sa iyong kasiyahan; itayo mong muli ang mga pader ng Jerusalem. 19 Kung magkagayon ay malulugod ka sa mga alay ng katuwiran, sa sinunog na mga handog at lubusang sinunog na mga handog; pagkatapos, ang aming bayan ay maghahandog ng mga toro sa iyong altar.