Si David Hanggang sa Pagtakas Niya mula sa Korte ni Saul (continued)

1063 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

1 Samuel 19:1–3

1 Sinabi ni Saul sa kanyang anak na si Jonatan at sa lahat ng kanyang mga lingkod na kailangan nilang patayin si David. Pero nalugod ng labis si Jonatan kay David, anak na lalaki ni Saul. 2 Kaya sinabi ni Jonatan kay David, “gusto kang patayin ng aking amang si Saul. Kaya maging handa sa umaga at magtago sa isang lihim na lugar. 3 Lalabas ako at tatayo sa tabi ng aking ama sa bukirin kung nasaan ka, at makikipag-usap ako sa aking ama tungkol sa iyo. Kung may malaman akong anumang bagay, sasabihin ko sa iyo.”

Mga Awit 11

1 Kumukubli ako kay Yahweh; paano mo sasabihin sa aking, “Tumakas ka katulad ng isang ibon sa bundok”? 2 Tingnan mo! Inihahanda ng mga masasama ang kanilang mga pana. Inihahanda nila ang kanilang mga palaso sa tali para panain sa dilim ang pusong matuwid. 3 Dahil kung ang mga pundasyon ay nasira, ano ang kayang gawin ng matuwid? 4 Si Yahweh ay nasa kaniyang banal na templo; ang kaniyang mga mata ay nagmamasid, sinusuri ng kaniyang mga mata ang mga anak ng mga tao. 5 Parehong sinusuri ni Yahweh ang matuwid at masama, pero kinapopootan niya ang mga gumagawa ng karahasan. 6 Nagpapaulan siya ng mga nagbabagang uling at asupre sa mga masasama; nakakapasong hangin ang kanilang magiging bahagi sa kaniyang kopa! 7 Dahil si Yahweh ay matuwid, at mahal niya ang katuwiran; makikita ng matuwid ang kaniyang mukha.

1 Samuel 19:4–17

4 Nagsalita ng magandang bagay si Jonatan patungkol kay David sa kanyang ama na si Saul at sinabi sa kanyang, “Huwag mong hayaang magkasala ang hari laban sa kanyang lingkod na si David. Sapagkat hindi siya nagkasala laban sa iyo, at nagdala ng kabutihan sa iyo ang kanyang mga gawa. 5 Sapagkat ipinagsapalaran niya ang kanyang buhay at pinatay ang taga-Filisteo. Nagdala ng malaking tagumpay si Yahweh para sa buong Israel. Nakita mo ito at nagalak ka. Bakit ka magkakasala laban sa walang salang dugo sa pamamagitan ng pagpatay kay David nang walang dahilan?”

6 Nakinig si Saul kay Jonatan. Sumumpa si Saul, “Habang nabubuhay si Yahweh, hindi ko siya papatayin.”

7 Pagkatapos tinawag ni Jonatan si David, sinabi ni Jonatan ang lahat ng mga bagay na ito. Dinala ni Jonatan si David kay Saul, at nasa piling niya siya tulad ng dati.

8 At may digmaan muli. Humayo si David at nakipaglaban sa mga Filisteo at tinalo sila sa isang matinding patayan. Tumakas sila sa kanya.

9 Isang mapaminsalang espiritu mula kay Yahweh ang pumunta kay Saul habang nakaupo siya sa kanyang tahanan na may sibat sa kanyang kamay, at habang nagpapatugtog si David ng kanyang panugtog. 10 Sinubukang itusok ni Saul si David sa pader gamit ang sibat, ngunit nakaalis siya mula sa presensiya ni Saul, kaya naitusok ni Saul ang sibat sa pader. Lumayo at tumakas si David ng gabing iyon.

11 Nagpadala si Saul ng mga mensahero sa sambahayan ni David upang bantayan siya ng sa ganun maaari niya siyang mapatay sa umaga. Sinabi sa kanya ni Mical, asawa ni David, “Kung hindi mo ililigtas ang iyong sarili ngayong gabi, bukas mapapatay ka.” 12 Kaya pinababa ni Mical si David sa bintana. Umalis siya at lumayo at tumakas.

13 Kumuha si Mical ng isang sambahayang diyus-diyosan at nilagay ito sa kama. Pagkatapos naglagay siya ng isang unan na gawa sa buhok ng kambing sa ulunan nito, at tinakpan ito gamit ang mga damit. 14 Nang magpadala si Saul ng mga mensahero para kunin si David, sinabi niyang, “May sakit siya.”

15 Pagkatapos nagpadala si Saul ng mga mensahero upang tingnan si David; sinabi niya, “Dalhin ninyo siya sa akin sa kama, upang mapatay ko siya.” 16 Nang pumasok ang mga mensahero, masdan, nasa kama ang sambahayang diyus-diyosan kasama ng unan na buhok ng kambing sa uluhan nito.

17 Sinabi ni Saul kay Mical, “Bakit mo ako nilinlang at hinayaang umalis ang aking kaaway, kaya nakatakas siya?” Sinagot ni Mical si Saul, “Sinabi niya sa akin, 'Hayaan akong makaalis. Bakit kailangan kitang patayin?”'

Mga Awit 59

1 Sagipin mo ako mula sa aking mga kaaway, aking Diyos; itaas mo ako na malayo mula sa mga kumakalaban sa akin. 2 Panatilihin mo akong ligtas mula sa mga gumagawa ng malaking kasalanan, at iligtas mo ako mula sa mga taong uhaw sa dugo. 3 Dahil, tingnan mo, nag-aabang sila para kunin ang buhay ko. Ang mga makapangyarihang gumagawa ng kasamaan ay nagsasama-sama laban sa akin, pero hindi dahil sa aking pagsuway o kasalanan, Yahweh. 4 Naghahanda silang tumakbo tungo sa akin kahit na wala akong kasalanan; gumising ka at tulungan mo ako at tingnan. 5 Ikaw, Yahweh ang Diyos ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel, bumangon ka at parusahan mo ang lahat ng mga bansa; huwag kang maging maawain sa sinumang gumagawa ng masasama. Selah 6 Bumabalik sila sa gabi, umalulong sila na parang mga aso at lumilibot sa lungsod. 7 Tingnan mo, dumidighay sila sa kanilang mga bibig; mga espada ay nasa kanilang mga labi, dahil sinasabi nila, “Sino ang nakaririnig sa atin?” 8 Pero ikaw, Yahweh, ay tinatawanan sila; kinukutya mo ang mga bansa. 9 O Diyos, aking kalakasan, magbibigay pansin ako sa iyo; ikaw ang aking matayog na tore. 10 Katatagpuin ako ng Diyos sa kaniyang katapatan sa tipan; hahayaan ng Diyos na makita ko ang aking nais sa aking mga kaaway. 11 Huwag mo silang papatayin, o makakalimutan ito ng aking bayan. Ikalat mo sila gamit ang iyong kapangyarihan at ilaglag sila, Panginoon na aming kalasag. 12 Dahil sa mga kasalanan ng kanilang mga bibig at sa mga salita ng kanilang mga labi, hayaan mo silang madakip ng kanilang kayabangan, at para sa mga sumpa at kasinungalingan na ipinapahayag nila. 13 Tupukin mo sila sa poot, tupukin mo sila para sila ay mawala na; hayaan mo silang malaman na namumuno ang Diyos kay Jacob at sa dulo ng mundo. Selah 14 Sa gabi hayaan mo silang bumalik, hayaan mo silang umalulong na parang mga aso at lumibot sa lungsod. 15 Maglalakbay sila pataas at pababa para sa pagkain at maghihintay buong gabi kung hindi sila masiyahan. 16 Pero aawit ako tungkol sa iyong kalakasan; dahil ikaw ang naging matayog kong tore at isang kublihan sa araw ng aking kapighatian. 17 Sa iyo, aking kalakasan, aawit ako ng mga papuri; dahil ang aking Diyos ang aking matayog na tore, ang Diyos ng katapatan sa tipan.