Ipinag-utos ni Ciro ang Pagpapanumbalik ng mga Judio
536 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
1 Noong unang taon ni Ciro, hari ng Persia, tinupad ni Yahweh ang kaniyang salita na dumating mula sa bibig ni Jeremias at inudyukan ang espiritu ni Ciro. Ang tinig ni Ciro ay narinig sa kaniyang buong kaharian. Ito ang nasusulat at nasabi:
2 Sabi ni Ciro, hari ng Persia: Ibinigay sa akin ni Yahweh, ang Diyos ng Langit, ang lahat ng mga kaharian sa daigdig, at itinalaga niya ako na magtayo ng isang templo para sa kaniya sa Jerusalem na nasa Judea.
3 Sinuman sa inyo na nagmula sa kaniyang mga tao, sumainyo nawa ang kaniyang Diyos, para kayo ay umakyat sa Jerusalem at magtayo ng templo para kay Yahweh, ang Diyos ng Israel, na siyang Diyos ng Jerusalem. 4 Ang mga tao saanmang bahagi ng kaharian kung saan naninirahan ang mga nakaligtas sa lupaing iyon ay dapat magbigay sa kanila ng pilak at ginto, mga ari-arian at mga hayop, gayundin ang kusang-kaloob na handog para sa templo ng Diyos sa Jerusalem.
1 Nang ibinalik ni Yahweh ang magandang kapalaran sa Sion, tulad kami nilang mga nananaginip. 2 Pagkatapos napuno ang aming mga bibig ng tawanan at ang aming mga dila ng may awitan. Pagkatapos sinabi nila sa mga bansa. “Si Yahweh ay gumawa ng mga dakilang bagay para sa kanila.” 3 Gumawa si Yahweh ng dakilang bagay para sa atin; labis kaming nagalak! 4 Yahweh, ibalik mo ang aming kayamanan tulad ng batis sa Negeb. 5 Silang mga naghahasik ng mga luha ay mag-aani ng sigaw para sa kagalakan. 6 Siyang umiiyak na lumabas, dala-dala ang binhing ihahasik, babalik muli nang may sigaw ng kagalakan, dala-dala ang kaniyang mga bungkos.
1 Yahweh, nagpakita ka ng pabor sa iyong lupain; ibinalik mo ang kagalingan ni Jacob. 2 Pinatawad mo ang kasalanan ng iyong mamamayan; tinakpan mo ang lahat ng kanilang kasalanan. Selah 3 Binawi mo ang lahat ng iyong poot; tumalikod ka mula sa iyong galit. 4 Panumbalik mo kami, Diyos ng aming kaligtasan, at bitawan ang iyong inis sa amin. 5 Magagalit ka ba sa amin magpakailanman? Mananatili ka bang galit hanggang sa mga salinlahi sa hinaharap? 6 Hindi mo ba kami bubuhaying muli? Pagkatapos ang iyong bayan ay magagalak sa iyo. 7 Ipakita mo sa amin ang iyong katapatan sa tipan, Yahweh, ipagkaloob mo sa amin ang iyong kaligtasan. 8 Makikinig ako sa sasabihin ni Yahweh na Diyos, dahil siya ay makikipag-ayos sa kaniyang bayan, ang kaniyang matapat na tagasunod. Pero hindi sila dapat bumalik sa hangal na pamamaraan. 9 Tiyak na ang kaniyang kaligtasan ay malapit sa mga may takot sa kaniya, kaya ang kaluwalhatian ay mananatili sa ating lupain. 10 Ang katapatan sa tipan at pagiging mapagkakatiwalaan ay nagkatagpo, ang katuwiran at kapayapaan ay hinalikan ang isa't isa. 11 Ang pagiging mapagkakatiwalaan ay uusbong mula sa lupa, at ang tagumpay ay dudungaw mula sa langit. 12 Oo, si Yahweh ay magbibigay ng kaniyang mabubuting pagpapala, at mamumunga ang mga pananim sa ating lupain. 13 Pangungunahan siya ng katuwiran at gagawa ng daan para sa kaniyang mga yapak.
22 Ngayon sa unang taon ni Ciro, ang hari ng Persia, upang maganap ang salita ni Yahweh sa pamamagitan ng bibig ni Jeremias, inudyukan ni Yahweh ang espiritu ni Ciro, ang hari ng Persia, kaya gumawa siya ng pahayag sa lahat ng kaniyang kaharian at isinulat din ang mga ito. Sinabi niya, 23 “Ito ang sinabi ni Ciro, ang hari ng Persia: Ibinigay sa akin ni Yahweh na Diyos ng langit ang lahat ng kaharian sa mundo. Inutusan niya ako na magtayo ng isang tahanan para sa kaniya sa Jerusalem, na nasa Juda. Kung sino man sa inyo ang kabilang sa kaniyang mga tao, nawa si Yahweh na inyong Diyos ay sumainyo. Pinahihintulutan kitang pumunta sa lupain.”