Sina Balaam at Balak (continued)

1451 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Mga Bilang 24

1 Nang makita ni Balaam na kinalugdanito ni Yahweh na pagpalain ang Israel, hindi na siya umalis, gaya nang una, upang gumamit ng pangkukulam. Sa halip, tumingin siya sa ilang. 2 Itinaas niya ang kaniyang mga mata at nakita niya na nagkampo ang Israel, bawat isa sa kanilang tribu, at pumasok sa kaniya ang Espiritu ng Diyos. 3 Natanggap niya itong propesiya at sinabi, “Magsasalita na si Balaam na anak ni Beor, ang taong malawak na nakamulat ang kaniyang mga mata. 4 Nagsalita siya at narinig ang mga salita ng Diyos. Nakita niya ang isang pangitain mula sa Makapangyarihan, Sa harapan niya, siya ay nagpatirapa pababa kalakip ang kaniyang mga matang nakamulat. 5 Anong ganda ng iyong mga tolda, o Jacob, ang lugar na kung saan ka nakatira, Israel! 6 Katulad ng mga lambak sila'y inilatag, katulad ng mga hardin sa tabing ilog, katulad ng mga mabangong punong itinanim ni Yahweh, katulad ng mga sedar sa gilid ng mga tubig. 7 Ang mga tubig na dumadaloy sa kanilang mga lalagyan, at ang kanilang mga binhi ay saganang-natubigan. Ang kanilang hari ay mas mataas kaysa kay Agag, at pararangalan ang kanilang kaharian. 8 Ilalabas siya ng Diyos sa Ehipto. Mayroon siyang lakas katulad ng isang mabangis na baka. Uubusin niya ang mga bansa na lalaban sa kaniya. Babaliin niya ang kanilang mga buto sa pira-piraso. Tutudlain niya sila ng kaniyang mga palaso. 9 Yuyuko siya katulad ng isang leon, katulad ng isang babaeng leon. Sino ang mangangahas na gambalain siya? Nawa, ang lahat na magpapala sa kaniya ay pagpalain; nawa, ang lahat na sumumpa sa kaniya ay sumpain.”

10 Ang galit ni Balak laban kay Balaam ay sumiklab at hinampas niya ang kaniyang mga kamay sa galit. Sinabi ni Balak kay Balaam, “Ipinatawag kita upang isumpa ang aking mga kaaway, ngunit tingnan mo, pinagpala mo sila ng tatlong beses. 11 Kaya iwan mo ako ngayon at umuwi ka na. Sinabi ko na labis kitang gagantimpalaan, ngunit pinigilan ka ni Yahweh na makakuha ng anumang gantimpala.”

12 At sumagot si Balaam, “Sinabi ko sa mga mensaherong ipinadala mo sa akin, 13 'Kahit na ibibigay ni Balak sa akin ang kaniyang palasyo na puno ng pilak at ginto, hindi ako susuway sa mga salita ni Yahweh at anumang bagay na masama o mabuti, o lahat ng bagay na gusto ko sanang gawin. Sasabihin ko lamang kung ano ang gusto ni Yahweh na sabihin ko.' Hindi ko ba nasabi ito sa kanila? 14 Kaya ngayon, tingnan mo, babalik ako sa aking mga tao. Ngunit binabalaan muna kita kung ano ang gagawin ng mga taong ito sa iyong mga tao sa darating na mga araw.”

15 Sinimulan ni Balaam itong propesiya. Sinabi niya, “Magsasalita si Balaam na anak ni Beor, Ang taong mulat ang kaniyang mga mata. 16 Ito ay isang propesiya ng isang taong nakaririnig ng mga salita mula sa Diyos, na may kaalaman mula sa Kataas-taasan, na may mga pangitain mula sa Makapangyarihan sa lahat, Sa harapan niya na siyang nagpatirapang mulat ang kaniyang mga mata. 17 Nakita ko siya, ngunit siya ay wala ngayon dito. Tiningnan ko siya, ngunit hindi siya malapit. Isang tala ang lalabas mula kay Jacob, at lilitaw ang isang setro mula sa Israel. Dudurugin niya ang mga pinuno ng Moab at lilipulin lahat ng mga kaapu-apuhan ni Set. 18 At ang Edom ay magiging pag-aari ng Israel, at ang Seir ay magiging pag-aari rin nila, ang mga kaaway ng Israel, na masasakop ng Israel sa pamamagitan ng dahas. 19 Mula kay Jacob darating ang isang hari na mayroong kapangyarihan, at kaniyang lilipulin ang mga nakaligtas sa kanilang lungsod.”

20 At tiningnan ni Balaam si Amalek at sinimulan ang kaniyang propesiya. Sinabi niya, “ Si Amalek ay minsang naging pinakadakila sa mga bansa, ngunit pagkawasak ang kaniyang magiging huling hantungan.”

21 At tumingin si Balaam sa mga Cineo at sinimulan niya ang kaniyang propesiya. Sinabi niya, “Ang lugar kung saan kayo nakatira ay matibay, at ang inyong mga pugad ay nasa loob ng mga bato. 22 Gayon pa man, si Kain ay mawawasak kapag binihag kayo ng Asiria.”

23 Pagkatapos, sinimulan ni Balaam ang kaniyang pangwakas na propesiya. Sinabi niya, “Aba! Sino ang makakaligtas kapag ginawa ito ng Diyos? 24 Darating ang mga barko mula sa baybayin ng Kitim; Sasalakayin nila ang Asiria at sasakupin ang Eber, ngunit sila rin ay hahantong sa pagkawasak sa katapusan.”

25 Pagkatapos tumayo si Balaam at umalis. Bumalik siya sa kanyang tahanan at umalis din si Balak.

Ikaapatnapu't Dalawang Paglalakbay: Ang Kapatagan ng Moab

Ikaapatnapu't dalawang paglalakbay: ang kapatagan ng Moab, na may kampo sa tabi ng Bet Jesimot at Abel Siitim.

Mga Bilang 33:49

49 Nagkampo sila sa tabi ng Jordan, mula Bet Jesimot hanggang Abel Siitim sa mga kapatagan ng Moab.

Ang Pagsamba sa Diyos-diyosang si Baal ng Peor

Mga Bilang 25

1 Nanatili ang Israel sa Sitim, at nagsimulang makipagtalik ang mga lalaki sa mga babae ng Moab, 2 sapagkat inaanyayahan ng mga Moabita ang mga tao sa mga pag-aalay sa kanilang mga diyos. Kaya kumain at yumukod ang mga tao sa mga diyos ng Moabita. 3 Sumali ang mga kalalakihan ng Israel sa pagsamba kay Baal ng Peor, at sumiklab ang galit ni Yahweh laban sa Israel.

4 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Patayin mo ang lahat ng pinuno ng mga tao at bitayin sila sa aking harapan upang ilantad sila sa liwanag ng araw, upang maalis ang aking matinding galit mula sa Israel.”

5 Kaya sinabi ni Moises sa mga pinuno ng Israel, “Dapat patayin ang bawat isa sa inyo ang kaniyang mga taong sumama sa pagsamba kay Baal ng Peor.”

6 Pagkatapos, dumating ang isa sa mga lalaki ng Israel at dinala sa mga miyembro ng kaniyang pamilya ang isang babaeng Midianita. Nangyari ito sa paningin ni Moises at sa lahat ng sambayanan ng Israel, habang umiiyak sila sa pasukan ng tolda ng pagpupulong. 7 Nang makita iyon ni Finehas na lalaking anak ni Eleazar na lalaking anak naman ni Aaron, na pari, tumayo siya mula sa sambayanan at humawak ng isang sibat. 8 Sinundan niya ang lalaking Israelita sa tolda at isinaksak ang sibat sa kapwa nilang katawan, sa lalaking Israelita at sa babae. Kaya natigil ang salot na ipinadala ng Diyos sa mga tao ng Israel. 9 Dalawampu't apat na libo ang bilang ng mga namatay sa pamamagitan ng salot.

10 Nagsalita si Yahweh kay Moises at sinabi, 11 “Inalis ni Finehas na lalaking anak ni Eleazar na lalaking anak naman ni Aaron, na pari, ang aking galit sa mga tao ng Israel dahil mapusok siya sa aking adhikain sa kanila. Kaya hindi ko nilipol ang mga tao ng Israel sa aking matinding galit. 12 Kaya sabihin mo, 'sabi ni Yahweh, “Tingnan mo, ibinibigay ko kay Finehas ang aking kasunduan ng kapayapaan. 13 Para sa kaniya at sa kaniyang mga kaapu-apuhang kasunod niya, ito ang magiging isang kasunduan ng isang walang hanggang pagkapari dahil masigasig siya para sa akin, na kaniyang Diyos. Nagbayad siya ng kasalanan para sa mga tao ng Israel.”''

14 Ngayon ang pangalan ng lalaking Israelitang napatay kasama ng babaeng Midianita ay si Zimri na anak ni Salu, isang pinuno ng isang pamilya mula sa ninuno ng mga Simeonita. 15 Si Cozbi ang pangalan ng babaeng Midianitang pinatay na babaeng anak ni Zur, pangulo ng isang tribu at pamilya sa Midian.

16 Kaya nagsalita si Yahweh kay Moises at sinabi, 17 “Ituring mong kaaway ang mga Midianita at lusubin sila, 18 sapagkat itinuring nila kayong katulad ng mga kaaway sa pamamagitan ng kanilang panlilinlang. Pinangunahan nila kayo sa kasamaan tungkol kay Peor at tungkol sa kanilang kapatid na babaeng si Cozbi, ang babaeng anak ng isang pinuno sa Midian, na pinatay sa araw ng salot dahil kay Peor.”