Isang Panimula sa Pagkawasak ng Jerusalem

Isang pangkalahatang panimula sa salaysay ng pagkawasak ng templo at ng Jerusalem.

595 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

2 Mga Cronica 36:11–21

11 Dalawampu't-isang taong gulang si Zedekias nang magsimula siyang maghari. Naghari siya ng labing-isang taon sa Jerusalem. 12 Ginawa niya kung ano ang masama sa paningin ni Yahweh na kaniyang Diyos. Hindi siya nagpakumbaba sa harapan ng propetang si Jeremias, na nagsasalita mula sa bibig ni Yahweh.

13 Naghimagsik din si Zedekias laban kay Haring Nebucadnezar, na siyang nagpasumpa sa kaniya ng katapatan sa pamamagitan ng Diyos. Ngunit pinatigas ni Zedekias ang kaniyang ulo at pinatigas ang kaniyang puso sa pagsunod kay Yahweh, ang Diyos ng Israel. 14 Dagdag pa rito, ang lahat ng mga pinuno ng mga pari at ng mga tao ay nagkasala ng labis, sinusunod ang mga kasuklam-suklam na mga bagay na ginagawa ng ibang lahi. Nilapastangan nila ang tahanan ni Yahweh na inilaan niya para sa kaniyang sarili sa Jerusalem.

15 Si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno ay nagpadala ng mensahe sa kanila sa pamamagitan ng kaniyang mga mensahero nang paulit-ulit, dahil mayroon siyang habag sa kaniyang mga tao at sa lugar kung saan siya naninirahan. 16 Ngunit kinutya nila ang mga mensahero ng Diyos, kinamuhian ang kaniyang mga salita, at hinamak ang kaniyang mga propeta, hanggang sa ang galit ni Yahweh ay nagsimula laban sa kaniyang mga tao hanggang sa ito ay hindi na maiiwasan.

17 Kaya dinala ng Diyos sa kanila ang hari ng mga Caldeo, na siyang pumatay sa kanilang mga kabataan sa pamamagitan ng mga tabak sa santuwaryo at walang habag sa mga kabataang lalaki o mga birhen, mga matatandang lalaki o ang mga puti na ang buhok. Ibinigay silang lahat ng Diyos sa kaniyang kamay. 18 Lahat ng kagamitan ng tahanan ng Diyos, malaki at maliit, ang mga kayamanan sa tahanan ni Yahweh at ang mga kayamanan ng hari at kaniyang mga opisyal—ang lahat ng mga ito ay dinala niya sa Babilonia. 19 Sinunog nila ang tahanan ng Diyos, giniba nila ang pader ng Jerusalem, sinunog ang lahat ng mga palasyo nito, at winasak ang mga magagandang bagay sa loob nito.

20 Dinala ng hari sa Babilonia ang mga nakaligtas sa tabak. Sila ay naging lingkod niya at ng kaniyang mga anak hanggang sa nangyari ang pamumuno ng kaharian ng Persia.

21 Nangyari ito upang maganap ang salita ni Yahweh sa pamamagitan ng bibig ni Jeremias, hanggang sa masiyahan ang lupain sa kaniyang Araw ng Pamamahinga. Sapagkat habang ang lupain ay pinabayaan ipinagdiwang nito ang Araw ng Pamamahinga sa loob ng pitumpung taon.

2 Mga Hari 25:1–2

1 Nangyari ito na sa ika-siyam na taon ng paghahari ni Haring Zedekias, sa ika-sampung buwan, at sa ika- sampung araw ng buwan, dumating si Nebucadnezar hari ng Babilonia kasama ng lahat ng kaniyang hukbo laban sa Jerusalem. Nagkampo siya sa harap nito, at nagtambak ng lupa sa paligid ng mga pader. 2 Kaya kinubkob nila ang lungsod hanggang sa ika-labing isang taon ng paghahari ni Haring Zedekias.

Papalapit ang mga Caldeo; Pinalaya ang mga Aliping Hebreo 590 B.C.

Papalapit ang hukbong Caldeo. Inihula ang pagkabihag kay Zedekias at ang pagkakasakop sa lungsod. Pinalaya ang mga aliping Hebreo.

Jeremias 39:1

1 Sa ikasiyam na taon at ikasampung buwan ni Zedekias na hari ng Juda, dumating si Nebucadnezar na hari ng Babilonia kasama ang lahat ng kaniyang hukbo laban sa Jerusalem at sinakop ito.

Jeremias 37:1–4

1 Ngayon, si Zedekias na anak ni Josias ang namuno bilang hari sa halip na si Jehoiakin na anak ni Jehoiakim. Ginawang hari ni Nebucadnezar na hari ng Babilonia si Zedekias sa buong lupain ng Juda. 2 Ngunit si Zedekias, ang kaniyang mga lingkod, at ang mga tao sa lupain ay hindi nakinig sa mga salita ni Yahweh na kaniyang ipinahayag sa pamamagitan ng kamay ni Jeremias na propeta.

3 Kaya si Haring Zedekias, at Jehucal na anak ni Selemias, at Zefanias na anak ni Maasias na pari ay nagpadala ng isang mensahe kay Jeremias na propeta. Sinabi nila, “Manalangin ka para sa amin kay Yahweh na ating Diyos.”

4 Ngayon, paparating na si Jeremias at pupunta sa mga tao, sapagkat hindi pa siya nakakulong.

Jeremias 34:1–10

1 Ito ang salitang dumating kay Jeremias mula kay Yahweh. Dumating ang salitang ito nang si Nebucadnezar na hari ng Babilonia at ang lahat ng kaniyang hukbo, kasama ang lahat ng mga kaharian sa lupa, ang mga lupain sa ilalim ng kaniyang kapangyarihan at lahat ng kanilang mga tao ay nakikipagdigma sa Jerusalem at sa lahat ng kaniyang mga lungsod. Sinabi ng salitang ito, 2 'Sinasabi ito ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: Pumunta ka at magsalita kay Zedekias na hari ng Juda at sabihin mo sa kaniya, “Ito ang sinasabi ni Yahweh: Tingnan mo, aking ibibigay ang lungsod na ito sa kamay ng hari ng Babilonia. Susunugin niya ito. 3 Hindi ka makakatakas mula sa kaniyang kamay, sapagkat tiyak na masasakop at mapapasakamay ka niya. Titingin ang iyong mga mata sa mata ng hari ng Babilonia, kakausapin ka niya ng harap-harapan sa pagpunta mo sa Babilonia.'

4 Makinig ka sa salita ni Yahweh, Zedekias na hari ng Juda! Sinasabi ito ni Yahweh tungkol sa iyo, 'Hindi ka mamatay sa pamamagitan ng espada. 5 Mamatay ka sa kapayapaan. Gaya ng pagsusunog sa paglilibing sa iyong mga ninuno, na mga haring nauna sa iyo, susunugin nila ang iyong katawan. Sasabihin nila, “Aba sa iyo, panginoon!” Tatangis sila para sa iyo. Ngayon, nagsalita ako—ito ang pahayag ni Yahweh.”

6 Kaya ipinahayag ng propetang si Jeremias kay Zedekias na hari ng Juda ang lahat ng salitang ito sa Jerusalem. 7 Nakipagdigma ang hukbo ng hari ng Babilonia laban sa Jerusalem at lahat ng natitirang mga lungsod ng Juda: ang Laquis at Azeka. Ang mga lungsod na ito ng Juda ay nanatili bilang matatag na mga lungsod.

8 Ito ang salitang dumating kay Jeremias mula kay Yahweh pagkatapos na itinatag ni Haring Zedekias ang isang kasunduan sa lahat ng tao sa Jerusalem upang ipahayag ang kalayaan: 9 Dapat palayain ng bawat tao ang kaniyang aliping Israelita, lalaki at babae. Walang sinuman ang dapat mang-alipin sa kapwa Israelita sa Juda kailanman. 10 Kaya sumunod ang lahat ng mga pinuno at mga tao na sumali sa kasunduan. Palalayain ng bawat tao ang kaniyang aliping lalaki at babae at hindi na sila aalipinin kailanman. Pinakinggan nila at pinalaya sila.