Itinalaga si Aaron Bilang Pari

Itinatag ang pagkapari: itinalaga si Aaron, at tinanggap ang kanyang handog.

1490 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Levitico 8–9

1 Nagsalita si Yahweh kay Moises, sinasabing, 2 “Isama mo si Aaron at ang kaniyang mga anak na lalaki, ang mga kasuotan at ang langis na pampahid, ang toro para sa mga paghahandog sa kasalanan, ang dalawang lalaking tupa, at ang basket ng tinapay na walang pampaalsa. 3 Tipunin ang lahat ng kapulungan sa pasukan patungo sa tolda ng pagpupulong.”

4 Kaya ginawa ni Moises ang ipinag-utos ni Yahweh sa kaniya, at sama-samang dumating ang kapulungan sa pasukan patungo sa tolda ng pagpupulong. 5 Pagkatapos sinabi ni Moises sa kapulungan, “Ito ang ipinag-utos ni Yahweh na dapat gawin.”

6 Dinala ni Moises si Aaron at ang kaniyang mga anak na lalaki at hinugasan sila ng tubig. 7 Inilagay niya kay Aaron ang tunika at itinali ang kabitan sa palibot sa kaniyang baywang, binihisan siya ng kasuotan at inilagay ang efod sa kaniya, at pagkatapos itinali niya ang efod sa palibot niya kasama ng kabitan na hinabi nang pino at itinali ito sa kaniya. 8 Inilagay niya ang baluti sa kaniya, at sa baluti inilagay niya ang Urim at Tummim. 9 Inilapat niya ang turbante sa ibabaw ng kaniyang ulo, at sa ibabaw ng turbante, sa harapan, inilagay niya ang gintong plato, ang banal na korona, ayon sa ipinag-utos ni Yahweh sa kaniya.

10 Kinuha ni Moises ang pampahid na langis, pinahiran ang tabernakulo at ang lahat ng bagay sa loob nito, at inihandog ang mga ito kay Yahweh. 11 Winisikan niya ng langis ang ibabaw ng altar ng pitong ulit, at pinahiran ang altar at ang lahat nitong kagamitan, at ang panghugas na palanggana at ang patungan nito, para ihandog ang mga ito kay Yahweh.

12 Binuhusan niya ng kaunting pampahid na langis ang ulo ni Aaron at pinahiran siya para ihandog siya kay Yahweh. 13 Dinala ni Moises ang mga anak na lalaki ni Aaron at binihisan sila ng mga tunika; itinali niya ang mga kabitan sa palibot ng kanilang mga baywang at ibinalot ng lino na damit sa palibot ng kanilang mga ulo, ayon sa ipinag-utos ni Yahweh sa kaniya.

14 Dinala ni Moises ang torong handog para sa kasalanan, at si Aaron at ang kaniyang mga anak na lalaki ay ipinatong ang kanilang mga kamay sa ulo ng toro na kanilang dinala para ihandog para sa kasalanan. 15 Pinatay niya ito, at kinuha niya ang dugo at inilagay niya ito sa mga sungay ng altar gamit ang kaniyang daliri, nilinisan ang altar, binuhusan ng dugo ang patungan ng altar, at ibinukod ito para sa Diyos para sa kabayaran ng kasalanan para dito.

16 Kinuha niya ang lahat ng taba sa laman-loob, ang bumabalot sa atay, at ang dalawang bato at ang kanilang taba, at sinunog ni Moises ang lahat ng ito sa ibabaw ng altar. 17 Pero ang toro, balat nito, karne nito, at dumi nito ay sinunog niya sa labas ng kampo, gaya ng iniutos ni Yahweh sa kaniya.

18 Inalay ni Moises ang lalaking tupa para sa handog na susunugin, at ipinatong ni Aaron at ng kaniyang mga anak na lalaki ang kanilang mga kamay sa ulo ng lalaking tupa. 19 Pinatay niya ito at isinaboy ang dugo nito sa bawat gilid ng altar. 20 Hiniwa niya ang lalaking tupa nang pira-piraso at sinunog ang ulo at ang mga piraso at ang taba. 21 Hinugasan niya ang laman loob at ang mga binti sa pamamagitan ng tubig, at kaniyang sinunog ang isang buong lalaking tupa sa ibabaw ng altar. Ito ay isang handog na susunugin at naglalabas ng mabangong halimuyak, isang paghahandog na gawa sa pamamagitan ng apoy para kay Yahweh inutos ni Yahweh kay Moises.

22 Pagkatapos iniharap ni Moises ang ibang tupa, ang tupang lalaki ng pagtatalaga, at ipinatong ni Aaron at ng kaniyang mga anak na lalaki ang kanilang mga kamay sa ibabaw ng ulo ng lalaking tupa. 23 Pinatay ito ni Aaron at kumuha si Moises ng kaunting dugo nito at inilagay ito sa dulo ng kanang tainga ni Aaron, sa hinlalaki ng kaniyang kanang kamay at sa hinlalaki ng kaniyang kanang paa. 24 Dinala niya ang mga anak na lalaki ni Aaron, at inilagay niya ang kaunting dugo sa ibabaw ng dulo ng kanilang kanang tainga, sa hinlalaki ng kanilang kanang kamay, at sa hinlalaki ng kanilang kanang paa. Pagkatapos isinaboy ni Moises ang dugo nito sa bawat gilid ng altar.

25 Kinuha niya ang taba, ang taba ng buntot, ang lahat ng taba sa mga laman-loob, ang bumabalot sa atay at ang dalawang bato at ang kanang hita. 26 Mula sa basket ng tinapay na walang na walang pampaalsa at isang nilangisan na tinapay at isang barkilyos, at inilagay ang mga ito sa ibabaw ng taba at sa kanang hita. 27 Inilagay niya ang lahat ng ito sa mga kamay ni Aaron at sa mga kamay ng kaniyang mga anak na lalaki, itinaas ang mga ito bilang isang paghahandog sa harapan ni Yahweh.

28 Kaya kinuha ni Moises ang mga ito mula sa kanilang mga kamay at sinunog ang mga ito sa ibabaw ng altar para sa mga handog na susunugin. Ang mga ito'y isang handog ng pagtatalaga at naglabas ng mabangong halimuyak. Ito ay isang paghahandog na ginawa sa pamamagitan ng apoy para kay Yahweh. 29 Kinuha si Moises ang dibdib at itinaas ito bilang isang handog kay Yahweh. Ito ang bahagi ni Moises sa tupang lalaki para sa pantalaga sa pari, ayon sa ipinag-utos ni Yahweh sa kaniya.

30 Kumuha si Moises ng kaunting pampahid na langis at dugo na nasa ibabaw ng altar; iwinisik niya ang mga ito kay Aaron, sa kaniyang mga damit, sa kaniyang mga anak na lalaki, at sa mga damit ng kaniyang mga anak na lalaki. Sa ganitong paraan inihandog niya si Aaron at ang kaniyang mga damit, at kaniyang mga anak na lalaki at ang kanilang mga damit kay Yahweh.

31 Kaya sinabi ni Moises kay Aaron at sa kaniyang mga anak na lalaki, “Pakuluan ninyo ang karne sa pasukan ng tolda ng pagpupulong, at doon kainin ito at ang tinapay na nasa basket ng pagtatalaga, ayon sa aking ipinag-utos, na nagsasabing, 'Sina Aaron at ang kaniyang mga anak na lalaki ang kakain nito. 32 Kung anuman ang matitira sa karne at sa tinapay dapat mo itong sunugin.

33 At hindidapat kayo lumabas mula sa pasukan ng tolda ng pagpupulong sa loob ng pitong araw, hanggang sa matapos ninyo ang mga araw ng inyong pagtatalaga. Dahil itatalaga kayo ni Yahweh sa loob ng pitong araw. 34 Kung anuman ang nagawa sa araw na ito -Si Yahweh ang nag-utos na gawin para pantubos para sa inyo. 35 Mananatili kayo araw at gabi sa pasukan ng tolda ng pagtitipon sa loob ng pitong araw at susundin ang utos ni Yahweh, para hindi kayo mamatay, dahil ito ang ipinag-utos sa akin.

36 Kaya sinunod ni Aaron at ng kaniyang mga anak na lalaki ang lahat ng mga bagay na ipinag-utos ni Yahweh sa kanila sa pamamagitan ni Moises.

9:1 Sa ikawalong araw tinawag ni Moises si Aaron at kaniyang mga anak na lalaki at ang mga nakatatanda ng Israel. 2 Sinabi niya kay Aaron, “Kumuha ka ng isang guya mula sa kawan para sa handog para sa kasalanan, at isang tupang lalaki na walang dungis para sa handog na susunugin, at ialay ang mga ito sa harap Yahweh. 3 Dapat makipag-usap ka sa bayan ng Israel at sabihin, 'Kumuha kayo ng isang lalaking kambing bilang isang handog para sa kasalanan at isang guya at isang tupa, parehong isang taong gulang at walang kapansanan, para sa isang handog na susunugin; 4 kumuha rin ng isang bakang lalaki at isang tupang lalaki para sa mga handog para sa kapayapaan para ialay sa harapan ni Yahweh, at isang handog na pagkaing butil na hinaluan ng langis, dahil sa araw na ito magpapakita sa inyo si Yahweh.'”

5 Kaya dinala nila ang lahat ng iniutos ni Moises sa tolda ng pagpupulong, at lumapit ang buong kapulungan ng Israel at tumayo sa harap ni Yahweh. 6 Pagkatapos sinabi ni Moises, “Ito ang iniutos ni Yahweh na inyong gawin, para maihayag sa inyo ang kaniyang kaluwaltian.”

7 Sinabi ni Moises kay Aaron, “Lumapit ka sa altar at ialay ang iyong handog para sa kasalanan at handog na susunugin, at gumawa ng kabayaran sa kasalanan para sa iyong sarili at para sa mga tao, at ihandog ang alay para sa mga tao bilang kabayaran ng kasalanan para sa kanila, tulad ng iniutos ni Yahweh.”

8 Kaya lumapit si Aaron sa altar at pinatay ang guya bilang handog para sa kasalanan, na para sa kaniyang sarili. 9 Dinala ng mga lalaking anak ni Aaron ang dugo sa kaniya, at isinawsaw niya ang kaniyang daliri dito at inilagay ito sa mga sungay ng altar; pagkatapos ibinuhos niya ang dugo sa paanan ng altar. 10 Gayunman, sinunog niya ang taba, ang mga bato, at ang balot ng atay sa ibabaw ng altar bilang isang handog para sa kasalanan, tulad ng iniutos ni Yahweh kay Moises. 11 At sinunog niya ang laman at ang balat sa labas ng kampo.

12 Pinatay ni Aaron ang handog na susunugin, at ibinigay sa kaniya ng kaniyang mga anak na lalaki ang dugo, na kaniyang iwinisik sa bawat gilid ng altar. 13 Pagkatapos ibinigay nila sa kaniya ang handog na susunugin, piraso bawat piraso, kasama ang ulo, at sinunog niya ang mga ito sa ibabaw ng altar. 14 Hinugasan niya ang mga panloob na bahagi at ang mga binti at sinunog ang mga ito sa ibabaw ng handog na susunugin sa altar.

15 Idinulog ni Aaron ang alay ng mga tao-isang kambing, pagkatapos kinuha ito bilang alay para sa kanilang kasalanan at pinatay ito; inialay niya ito para sa kasalanan, gaya ng kaniyang ginawa sa unang kambing.

16 Idinulog niya ang handog na susunugin at inihandog ito ayon sa iniutos ni Yahweh.

17 Idinulog niya ang handog na pagkaing butil; pinuno niya ang kaniyang kamay nito at sinunog ito sa ibabaw ng altar, kasama ang pang-umagang handog na susunugin.

18 Pinatay niya rin ang kapong baka at ang tupang lalaki, ang alay bilang handog para sa kapayapaan, na para sa mga tao. Ibinigay ng mga anak na lalaki ni Aaron ang dugo sa kaniya, na iwinisik niya sa bawat gilid ng altar.

19 Gayunman, ang taba ng toro at ang tupang lalaki, ang taba ng buntot, ang taba na nakabalot sa mga laman loob, ang mga bato, at ang balot sa atay— 20 inilagay nila ang mga ito sa mga dibdib, at pagkatapos sinunog ni Aaron ang taba sa altar. 21 Itinaas ni Aaron ang mga dibdib at ang kanang hita bilang isang handog sa harapan ni Yahweh at idinulog ang mga ito sa kaniya, tulad ng iniutos ni Moises.

22 Pagkatapos itinaas ni Aaron ang kaniyang mga kamay sa mga tao at pinagpala sila; pagkatapos bumaba siya mula sa paghahandog ng handog para sa kasalanan, ang handog na susunugin, at ang handog para sa kapayapaan.

23 Pumasok sina Moises at Aaron sa loob ng tolda ng pagpupulong, pagkatapos lumabas ulit at pinagpala ang mga tao, at nagpakita ang kaluwalhatian ni Yahweh sa lahat ng mga tao. 24 Lumabas ang apoy mula kay Yahweh at tinupok ang handog na susunugin at ang taba sa altar. Nang makita ito ng lahat ng mga tao, sumigaw sila at nagpatirapa.