Isang Pangitain ng mga Pagsamba sa Diyus-diyosan na Naging Sanhi ng Pagkabihag (continued)

Isang pangitain ng mga pagsamba sa diyus-diyosan na humantong sa Pagkabihag sa Babilonia.

594 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Ezekiel 10:1–11:21

1 At tumingin ako sa pabilog na bubong na nasa itaas ng ulo ng kerubin; may lumitaw sa itaas nila tila isang sapiro na may anyong gaya ng isang trono. 2 At nagsalita si Yahweh sa lalaking nakasuot ng lino at sinabi, “Pumunta ka sa pagitan ng mga gulong, sa ilalim ng kerubin, at pareho mong punuin ang iyong mga kamay ng mga nagliliyab na baga mula sa pagitan ng kerubin at ikalat ang mga ito sa buong lungsod.” At pumasok ang lalaki habang ako ay nakatingin.

3 Tumayo ang kerubin sa kanang bahagi ng tahanan nang pumasok ang lalaki, at pinuno ng ulap ang dakong loob ng patyo. 4 Pumaitaas ang kaluwalhatian ni Yahweh mula sa kerubin at tumayo sa bungad ng pintuan ng bahay; pinuno nito ang tahanan ng ulap, at puno ng liwanag ang patyo ng kaluwalhatian ni Yahweh. 5 At narinig ko ang tunog ng mga pakpak ng kerubin sa labas ng patyo, tulad sa tinig ng Makapangyarihang Diyos kapag siya ay nagsasalita.

6 At nangyari ito nang inutusan ng Diyos ang lalaking nakasuot ng lino at sinabi, “Kumuha ka ng apoy mula sa pagitan ng dalawang gulong na nasa pagitan ng kerubin,” at pumasok ang lalaki at tumayo sa tabi ng isang gulong. 7 Inabot ng isang kerub ang kaniyang kamay sa pagitan ng kerubin sa apoy na nasa gitna ng kerubin, at itinaas ito at inalagay ito sa mga kamay ng isang nakasuot ng lino. Kinuha ito ng lalaki at nagpunta sa labas. 8 Nakita ko sa kerubin ang isang bagay na tulad ng isang kamay ng tao sa ilalim ng kanilang mga pakpak.

9 Kaya tumingin ako, at hala! Apat na gulong ang nasa tabi ng kerubin—isang gulong bawat kerub—at ang anyo ng mga gulong ay tulad ng isang batong berila. 10 Lumitaw silang apat na may pagkakahawig, tulad ng isang gulong na pinagsalikupan sa isa pang gulong. 11 Kapag gumalaw sila, pumunta sila sa kahit saanmang dako; hindi sila lumingon nang sila ay gumalaw sapagkat gumalaw sila patungo sa lugar kung saan nakaharap ang ulo. Hindi sila lumilingon kapag gumalaw na sila.

12 Ang kanilang buong katawan—kasama ang kanilang mga likod, mga kamay, at mga pakpak—ay natakpan ng mga mata, at tinakpan din ng mga mata ang palibot ng apat na mga gulong. 13 Habang nakikinig ako, tinawag ang mga gulong na, “Umiikot.”

14 May apat na mukha ang bawat isa; ang unang mukha ay mukha ng isang kerub, ang ikalawang mukha ay mukha ng isang tao, ang ikatlo ay mukha ng isang leon, at ang ika-apat ay mukha ng isang agila.

15 At pumaitaaas ang kerubin—ito ang mga nabubuhay na nilalang na nakita ko sa Ilog Kebar. 16 Kapag gumalaw ang kerubin, ang mga gulong ay sumasama sa kanilang tabi; at kapag itataas ng kerubin ang kanilang mga pakpak upang pumaitaas mula sa lupa, hindi umiikot ang mga gulong. Nananatili ang mga ito sa kanilang tabi. 17 Kapag nakatayo pa rin ang mga kerubin, nananatili din ang mga gulong, at kapag pumapaitaas sila, pumapaitaas din ang mga gulong kasama nila, sapagkat ang espiritu ng nabubuhay na nilalang ay nasa mga gulong.

18 At umalis ang kaluwalhatian ni Yahweh mula sa ibabaw ng bungad ng pintuan ng bahay at tumayo sa ibabaw ng kerubin. 19 Itinaas ng kerubin ang kanilang mga pakpak at pumaitaas mula sa lupa sa aking paningin nang sila ay lumabas, at ganoon din ang ginawa ng mga gulong sa kanilang tabi. Tumayo sila sa silanganang pasukan sa tahanan ni Yahweh, at ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel ay dumating sa kanila mula sa itaas.

20 Ito ang mga nabubuhay na nilalang na nakita ko sa ibaba ng Diyos ng Israel sa kanal Kebar, kaya alam kong mga kerubin sila! 21 Mayroon silang apat na mukha bawat isa at apat na mga pakpak, at ang pagkakahawig ng mga kamay ng tao sa ilalim ng kanilang mga pakpak; 22 at ang pagkakahawig ng kanilang mga mukha ay tulad ng mga mukha na nakita ko sa pangitain sa kanal Kebar, at naunang pumaroon ng tuwiran ang bawat isa sa kanila.

11:1 Pagkatapos itinaas ako ng Espiritu at dinala sa silanganang tarangkahan ng tahanan ni Yahweh na nakaharap sa silangan; at masdan ninyo! Sa pintuang-daanan ng tarangkahan ay may dalawampu't limang kalalakihan. Nakita ko si Jaazanias na anak na lalaki ni Azur, at Pelatia na anak na lalaki ni Benaias, mga pinuno ng mga tao ang nasa gitna nila. 2 Sinabi ng Diyos sa akin, “Anak ng tao, ito ang mga lalaking nag-iisip ng kasamaan, at ang nagpapasiya ng mga masasamang plano sa lungsod na ito. 3 Sinasabi nila, 'Ang panahon ng pagtatayo ng mga bahay ay hindi rito; ang lungsod na ito ang palayok, at tayo ang karne.' 4 Kaya magpropesiya ka laban sa kanila. Magpropesiya ka, anak ng tao!”

5 Pagkatapos, bumaba ang Espiritu ni Yahweh sa akin at sinabi niya sa akin, “Sabihin mo: Ito ang sinasabi ni Yahweh: gaya ng iyong sinasabi, Sambahayan ng Israel; sapagkat alam ko ang mga bagay na naiisip ninyo. 6 Pinarami ninyo ang mga taong inyong pinatay sa lungsod na ito at pinuno ninyo ang mga lansangan sa pamamagitan nila.

7 Kaya, ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Ang mga taong pinatay ninyo, na inyong inalatag ang mga katawan sa gitna ng Jerusalem, ay ang mga karne, at ang lungsod na ito ay ang palayok. Ngunit palalayasin kayo mula sa gitna ng lungsod na ito. 8 Kinatakutan ninyo ang espada, kaya dadalhin ko ang espada sa inyo—Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh. 9 Dadalhin ko kayo palabas sa gitna ng lungsod, at ibibigay sa mga kamay ng mga dayuhan, sapagkat magdadala ako ng hatol laban sa inyo. 10 Babagsak kayo sa pamamagitan ng espada. Hahatulan ko kayo sa loob ng mga hangganan ng Israel kaya malalaman ninyo na ako si Yahweh!

11 Ang lungsod na ito ay hindi ninyo magiging lutuang palayok, ni magiging karne kayo sa kaniyang kalagitnaan. Hahatulan ko kayo sa loob ng mga hangganan ng Israel. 12 At malalaman ninyo na ako si Yahweh, ang kautusan na hindi ninyo nilakaran at ang mga utos na hindi ninyo tinupad. Sa halip, tinupad ninyo ang mga utos ng mga bansang nakapalibot sa inyo.”

13 At nangyari ito habang ako ay nagpapahayag, namatay si Pelatia na anak na lalaki ni Benaias. Kaya nagpatirapa ako at umiyak ng may isang malakas na tinig at sinabi, “O, Panginoong Yahweh! Ganap mo bang lilipulin ang nalalabi sa Israel?”

14 Dumating sa akin ang salita ni Yahweh at sinabi, 15 “Anak ng tao, ang iyong mga kapatid! Ang iyong mga kapatid! Ang mga kalalakihan sa inyong angkan at ang lahat ng sambahayan ng Israel! Silang lahat na nagsabing mga naninirahan sa Jerusalem, 'Malayo na sila kay Yahweh! Ibinigay ang lupaing ito sa atin bilang ating pag-aari!'

16 Kaya sabihin mong, 'Sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: bagaman inalis ko sila palayo sa mga bansa, at bagaman ikinalat ko sila sa mga lupain, gayunpaman ako ang naging isang santuwaryo para sa kanila sa isang sandali sa mga lupain kung saan sila pumunta.'

17 Kaya sabihin mong, 'Sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Titipunin ko kayo mula sa mga tao, at iipunin mula sa mga lupain kung saan kayo ikinalat, at ibibigay ko sa inyo ang lupain ng Israel!'

18 Pagkatapos, pupunta sila doon at tatanggalin ang bawat kamuhi-muhing bagay at pagkasuklam mula sa lugar na iyon. 19 At bibigyan ko sila ng isang puso, at lalagyan ng bagong espiritu kapag lumapit sila sa akin; tatanggalin ko ang pusong bato mula sa kanilang laman at bibigyan ko sila ng isang pusong laman, 20 upang lumakad sila sa aking mga kautusan, tutuparin nila ang aking utos at gawin ang mga ito. At magiging mga tao ko sila, at ako ang magiging Diyos nila.

21 Ngunit sa mga lumalakad ng may pagkabighani tungo sa kanilang kamuhi-muhing mga bagay at kanilang mga pagkasuklam, dadalhin ko ang kanilang gawa sa sarili nilang mga ulo. Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh.”